Dahil sa 6-0 streak ng Team Secret sa group stage ng Horizon Cup 2021, tiyak na ang pag-abante ng koponan sa Knockout Stage ng turneo, kung saan anim mula sa 10 koponan na lang ang maglalaban-laban.
Tatlong sunod-sunod na 2-0 tagumpay ang ipinamalas ng kinatawan ng Pilipinas sa kauna-unahang global tournament ng Wild Rift. Ito ay matapos nilang kapusin noong unang araw ng group stage kontra Thunder Talk Gaming, ang top seed ng kanilang grupo.
Sa kabila nito, nagawa pa rin tapusin ng mga Pinoy ang kanilang kampanya sa group stage bilang ang second seed ng Group B, nang may kabuuang 7-2 map win-loss record.
Sengoku Gaming, naki-ambag sa 6-0 streak ng Team Secret
Ang huling inararo ng mga Pinoy sa group stage ng Horizon Cup 2021 ay ang Sengoku Gaming mula sa Japan.
Inilabas pa nga ng Team Secret sa best-of-three serye ang sixth-man nilang si Morris “Code” Raymundo para palitan muna sa mid lane si Heri “Tatsurii” Garcia. Consistent ang naging performance ng manlalaro bilang Orianna, kaya’t hindi nahirapan ang koponan na kunin panalo sa unang mapa sa loob lang ng 14 minuto.
Patuloy ang pagpapamalas ng Team Secret sa kanilang husay sa ikalawang mapa. Bagamat napuruhan noong early game, hindi nagpatinag ang Janna ni James “Hamez” Santos sa paggawa ng malulupit na plays gamit ang Moonson para masira ang positioning ng kalaban sa mga team fight.
Salamat sa engagement na ito, tuluyan nang nakaharurot ang mga Pinoy hangga’t sa hindi na sila mahabol ng Sengoku Gaming. Isa pang team fight sa may midlane, na na-uwi sa Quadra Kill ng Varus ni Caster “Chewy” Dela Cruz ang sumelyo sa 6-0 streak ng Team Secret, gayundin sa kanilang spot sa Knockout Stage.
Sa ngayon, waiting na lang ang Team Secret kung sino mula sa SBTC Esports o TSM ang makakaharap nila sa huling stage ng turneo.
Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na Filipino broadcast ng Wild Rift Horizon Cup 2021 sa Facebook page at YouTube channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL).
BASAHIN: Azar ng Team Secret ‘disappointed’ sa performance ng winalis na kalaban sa Horizon Cup 2021