Nag mistulang quick melt ang Team Queso matapos harapin ang Team Secret sa ikatlong araw ng Horizon Cup 2021 group stage.
Bago makipagbakbakan ang mga Pinoy kontra sa mga kinatawan ng Spain sa kauna-unahang global tournament ng Wild Rift, nabanggit ng kapitan ng koponan na si James “Hamez” Santos na malakas ang tingin nila sa Team Quezo.
Kaya noong kumustahin si Eleazar “Azar” Salle sa post-match interview matapos nilang walisin ang mga Kastila, hindi na napigilan ng tanyag na Baron Laner ihayag ang kanyang pagkadismaya sa mga ito.
“I expected much more from their performance. I was a bit disappointed,” sagot ni Azar.
Azar ng Team Secret nagpakitang-gilas bilang Fiora kontra Team Queso
Kung gagawing basihan ang ipinamalas na husay ni Azar ng Team Secret bilang Fiora, marahil ay mas madaling maintindihan kung bakit ganun ang kanyang naramdaman.
Siya kasi ang hinirang na player of the series matapos magtala ng 13 kills kontra dalawang deaths para maselyo ng kanyang koponan ang 2-0 tagumpay. Sa kanya nanggaling ang 39.4% na damage, gayun din ang 25.9% na gold ng Team Secret.
Highlight ng best-of-three ang ginawang play ni Azar ng Team Secret bandang siyam na minuto ng laban matapos niyang pumatay ng apat na miyembro ng Team Queso bago tuluyang mapatumba ng kalabang turret.
Bago ito, nakagawa rin ng highlight play ang Pinoy sa unang mapa ng serye. Na-punish niya kasi ang tatlong miyembro ng Team Queso na nag-dive sa loob ng kanilang turret para lang mapatay ang Gragas ni Hamez.
Nauwi ang pag-aasim na ito sa malupit na triple kill para sa Fiora ni Azar ng Team Secret.
Mariing patunay ang mga play na ‘to sa sinabi ni Azar ng Team Secret sa parehong post-match interview tungkol sa paggamit sa naturang champion:
“I think if I use Fiora, nobody can handle me in my lane.”
Dahil sa kanilang panalo kontra kinatawan ng Europe, naka-upo na sa ikalawang puwesto ng Group B standings ang Team Secret nang may 2-1 series win-loss record.
Nananatili pa rin bilang top seed ang Thunder Talk Gaming, ang tanging koponan sa ngayon na nakatalo sa mga Pinoy sa turneo.
Ipagpapatuloy ng Team Secret ang kanilang kampanya sa Horizon Cup 2021 sa ika-apat na araw ng group stage kontra Sengoku Gaming ng Japan. Nakatakdang idaos ang kanilang paghaharap bandang 10:30 ng gabi.
Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na Filipino broadcast ng Wild Rift Horizon Cup 2021 sa Facebook page at YouTube channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL).
BASAHIN: Katarina ni Tatsurii naglagablab, Team Secret dinurog ang eBRO sa WR Horizon Cup 2021