Handa na ang LF Adoption na makamit ang gold medal para sa Pilipinas sa paparating na Southeast Asian Games matapos nilang pangibabawan ang SIBOL 2022 National Team Selection para sa Men’s Division ng Wild Rift.
‘Di alintana kahit walang dinadalang bandera ng isang esports organization, pinatumba ng koponang pinangungunahan ni Renzel “ecilA” Ayuban sa grand finals ang Fennel Adversity, ang tanging team na directly invited sa ikalawang phase ng nasabing palaro.
Ang kampanya ng LF Adoption sa SIBOL National Team Selection Wild Rift Men’s Division
Ang LF Adoption ay isang koponan na binubuo ng mga dating manlalaro ng VVV Esports at RRQ Philippines na sumabak noong nakarang taon sa PPGL 2021 Summer Split, ang national tournament na parte ng SEA Icon Series.
Sa kabila ng kanilang napagtagumpayan, inamin ni ecilA sa isang panayam ilang sandali matapos ang kanilang pagkapanalo na hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan.
Kinailangan kasi nilang maglaro nang magkakahiwalay, bukod pa sa mga personal na problemang kanilang dinadala, at cellphone ni ecilA na nag-e-fps drop.
“Marami kaming problema, pero ini-step aside po namin, and then focus talaga para po marating namin ‘to. focus talaga… pinag-aralan [din] po namin ‘yung laro ng kalaban, nanonood din po kami ng laban ng ibang bansa para i-adapt yung playstyle,” kwento niya.
Bakas naman sa kanilang ipinakitang laruan ang paghahanda na kanilang ibinahagi. Bukod kasi sa Fennel Adversity, na winalis nila sa best-of-five, tinalo rin nila ang Kosa Nostra at GrindSky Esports.
‘Di rin malilimutan ang highlight play na ginawa ni ecilA sa huling mapa ng serye kung saan nanakaw ng kanyang Fiora ang Elder Drake mula sa kamay ng kalaban. Ito ang naging mitsa para tuluyang maselyo ng LF Adoption ang pagkakataon na mapabilang sa SIBOL.
Nang tanungin naman kung handa na ba silang makamit ang gold medal sa mga paparating na international esports tournaments, narito ang sinabi ng Baron Laner:
“Laban Pinas yan. Kaya-kaya talaga. Handa na po kami, whatever it takes po.”
Magpapatuloy ang SIBOL National Team Selection para sa Crossfire sa ika-12 hanggang sa ika-13 ng Pebrero.
Para sa karagdagang balita tungkol sa sa SIBOL national esports team, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: GrindSky Eris nagwagi sa SIBOL 2022 Wild Rift women’s division qualifiers