Itinanghal na reyna ang GrindSky Eris ng SIBOL 2022 League of Legends: Wild Rift National Team Selection (women’s division) matapos patumbahin ang GGTY, 3-1, sa grand finals nitong Biyernes ng gabi.
Ibabandera ng GrindSky Eris ang Pilipinas sa debut ng Wild Rift women’s division sa darating na 31st Southeast Asian Games na gaganapin sa Hanoi, Vietnam sa Mayo.
Kakatawanin din ng SEA eSports Championship 2021 winner ang bansa sa iba pang international tournaments na sasalihan ng SIBOL national esports team tulad ng Asian Games at International Esports Federation events kung ang mga ito may WR women’s category.
GrindSky Eris pinaluhod ang GGTY sa grand finals SIBOL 2022 Wild Rift NT Selection Women’s Division
Nailista ng GrindSky Eris ang first blood sa serye sa pamamagitan ng isang come-from-behind 21-14 win sa loob ng 19 minuto.
Liyamado pa ang GGTY sa early stages ng Game 1 ngunit nabaligtad ng GrindSky Eris ang sitwasyon papasok ng 13-minute mark matapos makakuha ng 4-for-2 exchange na pinangunahan ni Aeae sa kanyang Olaf.
Rumekta ang GrindSky sa Baron Nashor at napaslang pa sina JonEZ (Renekton) at Den (Wukong) na sinubukang mag-contest para tuluyang mag-snowball patungo sa unang panalo.
Tinuloy ng GrindSky Eris ang kanilang momentum pagdako ng Game 2 kung saan naipako nila ang madaling 18-3 victory sa loob lang ng 14 minuto.
Trinabaho nila Rayray (Galio) at Aeae (Vi) ang Dragon, Rift Herald at turret objectives habang sila Hell Girl (Fiora), Yugen (Ezreal) at Jeeya (Nami) naman ang nagdadala sa mga team fight.
Bagamat nakaisa ang GGTY sa Game 3 sa likod ng magical burst mula kila woof (Ziggs) at Rouge (Orianna), hindi na hinayaan ni Aeae na magkaroon pa ng reverse sweep kaya pinagbidahan niya ang 20-4 win ng GrindSky Eris gamit ang kanyang Lee Sin sa Game 4 na tumagal nang 17 minuto.
Tumikada si Aeae ng 8 kills at 5 assists kontra sa isang death lamang habang epektibo naman siyang nasuportahan nila Rayray (Lux) at Jeeya (Senna) na nagtala ng 4-0-12 at 1-1-15 kill-death-assist records.
Pinadapa rin ng GrindSky Eris ang GGTY sa upper bracket finals sa iskor na 2-1 matapos makakuha ng win via forfeiture laban sa Spica sa kanilang unang match sa SIBOL Wild Rift Women’s Division Phase 2 Qualifiers.
Winalis naman ng GGTY ang Spica, 2-0, sa lower bracket finals para makapag-set up ng grudge rematch kontra GrindSky sa best-of-five grand finals.
Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa SIBOL national esports team.