Mainit ang mga laban sa Intercontinental Fight Club Asia (ICFC Asia) lalo na para sa Bacolod pride na si Raphael “Vermilion” Cueva ng GrindSky Esports nang talunin niya ang tatlong kampeon sa Top 8 ng ICFC Asia Spring 2022 Week 2.

Naging malinis ang performance ni Vermilion sa pools at nakatawid siya nang walang talo. Nalampasan niya sa bracket ang mga kilalang Thai players na sina Book at friki.

Vermilion sa Top 8 ng ICFC Asia Spring 2022 Week 2

Vermilion vs Ao ICFC Asia Spring 2022
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Unang nakalaban ng Visayan Super Saiyan sa Top 8 ang ICFC Asia Season 2 champion na si Kuzin. Kilalang Devil Jin user ang Japanese player kung kaya’t pamilyar ito sa mga galaw ng character ni Vermilion. Kinuha ni Kuzin ang unang game sa isang No Round Brown gamit ang kanyang Asuka. Agad-agad namang nabawi ng Bacolod pride ang momentum at kinuha ang dalawang sumunod na game para sa 2-1 win.

Sa Winners Finals, nakalaban ni Vermilion ang kampeon ng ICFC Asia Season 1 na si Pinya. Hindi naging problema para sa Pinoy representative ang Master Raven ng dating kampeon, nakuha niya ang unang dalawang games kung kaya’t napilitan si Pinya na gumamit ng kanyang pocket Kunimitsu. Umabot nang Final Round ang ikatlong game, ngunit sa huli ay nangibabaw pa rin ang Devil Jin main upang tapusin ang series sa score na 3-0.

Ang huling harang sa landas ni Vermilion ay ang kampeon ng ICFC Asia Spring 2022 Week 1 na si Ao. Kinuha ni Ao ang unang game gamit ang kanyang Miguel. Ngunit tulad ng nangyari sa mga unang matches, madaling nakuha ng Visayan Super Saiyan ang momentum upang makuha ang tatlong sunod-sunod na games at tapusin ang tournament sa score na 3-1 at tanghaling kampeon para sa linggong ito.



Mapapanood ang mga laban sa official Twitch channel ng ICFC Asia.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.