Sa nalalapit na pagtatapos ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11) regular season, tiyak na ang pagpasok ng ECHO sa darating na playoffs. Ang tanging tanong na lamang ay kung makukuha nila ang top seed advantage sa nalalabing mga araw ng liga.
Sa kasalukuyang standings, nangunguna ang Bren Esports na may 28 points. Pumapangalawa naman ang ECHO na may 24, na dikit na sinusundan ng Blacklist International na may 23 points.
Kung papansinin, halos magkakadikit lamang ang puntos ng top 3 teams sa liga, kung kaya’t magiging mahalaga ang mga natitirang laban sa huling linggo ng regular season. Magiging exciting at nakakakaba naman ito para sa mga fans ng mga nasabing teams.
Gaano kaimportante ang top seed sa MPL PH S11 playoffs?
Anim sa walong teams ang makakapasok sa MPL PH S11 playoffs, at ang top 2 teams mula sa regular season ay masi-seed paabante sa Upper Bracket Semifinals, habang ang apat na nalalabing teams ay maglalaban-laban sa Upper Bracket Quarterfinals.
Ibig sabihin nito, maghihintay na lamang ang top 2 seeds sa ikalawang bahagi ng tournament sa kung sinong mananalo sa unang stage. Nangangahulugan din ito na mas konti ang magiging matches na kelangan nilang ipanalo para makarating sa finals.
Paano makukuha ng ECHO ang top seed sa playoffs?
Sa natitirang ilang araw ng regular season, meron na lamang tigdadalawang laban ang ilan sa mga koponan ng liga. May ilang mga kondisyon na kelangang matupad upang makapasok ang mga Orcas sa top 2 ng standings.
Ang best scenario para sa kanila ay ipanalo ang kanilang huling dalawang laban na may score na 2-0. Dito, masisiguro nila ang top 2 spot sa pagpasok ng playoffs.
Magiging malaking bagay din para sa ECHO kung mananalo ang Bren laban sa Blacklist sa unang araw ng Week 8. Kapag nanalo ang Hive nang 2-0, masisiguro nila ang top spot na may 31 points. Sa kabilang banda ay lalayo naman ang agwat ng mga Orcas mula sa mga Agents, kung kaya’t magiging mas madali para sa ECHO na matupad ang mga kondisyon upang tapusin ang regular season na nasa top 2 ng listahan.
Sa madaling salita, dahil sa one-point-lead ng ECHO, ang kelangan lang nilang gawin upang masiguro ang seed sa playoffs ay pantayan o higitan pa ang magiging performance ng Blacklist sa mga natitira nilang laban.
Kung manalo ang Agents sa dalawa nilang matches na may score na 2-0, kelangan ding manalo ng mga Orcas sa parehong paraan. Dahil kung mahihigitan sila ng Blacklist ay maaring maungusan sila sa standings.
Makakalaban ng ECHO ang Smart Omega sa April 14, at RSG Slate Philippines naman sa April 16.
Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng MPL PH S11 sa mga sumusunod na channels at pages:
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook