Sa wakas ay naselyo na ng RSG Slate Philippines ang pinakaabangan nilang tiket papunta playoffs ng MPL Philippines Season 11. Ito ay pagkatapos nilang tambangan ang Nexplay EVOS, 2-0, para maiangat ang kanilang record sa 21 points, sapat para makapuwesto sa fourth place sa regular season standings.
Nagpamangha ang bagitong jungler na si John “Irrad” Abarquez na pinangunahan ang opensiba ng kaniyang hanay para gibain ang pag-asa ng Nexplay EVOS na makapuntos sa krusyal na matchup. Niyakag ng Lancelot (5/3/10 KDA) at Joy (8/3/7 KDA) ni Irrad ang atake ng RSG para makumpleto ang sweep.
Nagawa man ng hanay ang kanilang layunin sa regular season, hindi itinago ni Brian “Coach Panda” Lim na malayo pa sa inaasahan niyang porma ang kaniyang pangkat. Ito ang binanggit ng beteranong coach sa post-match interview kasama si Mara Aquino, kung saan ibinihagi din niya ang kaniyang plano para sa team sa dalawang linggong break bago gumulong ang postseason play.
Paghahanda ni Coach Panda para sa RSG sa playoffs nakasentro sa rotation ng kanilang junglers
Sa nasabing panayam, ipinahayag ni Coach Panda ang kaniyang saloobin ukol sa performance ng RSG Slate sa kanilang pinakahuling matchup. Mabilis na tugon ng Hall of Legends member, “Still marami pang errors. Hindi pa kami ready sa playoffs.”
Gayunpaman, umaasa daw siyang makukuha nila ang tamang timpla partikular na sa rotation ng players sa jungler role bago sumabak sa inaantabayanang playoffs. “Now I have two malupit na junglers, si Irrad tiyaka si H2wo. They both have their strengths and weaknesses.”
Bagamat steady ang performance ni John “H2wo” Salonga para sa Raiders sa mayorya ng regular season, hindi maikakaila na magandang sneak peak ang laro ni Irrad sa kaniyang debut series kontra Nexplay EVOS.
Maalwan ang galaw ng batang pro sa rotation na ginagawa ng RSG at kapansin-pansin din ang husay ng kaniyang mechanical skills. Kaya naman nagawa ni Irrad na makapagtala ng kamanghamangha 13/6/17 total KDA kontra sa White Tigers, sapat para parangalan siya ng dalawang magkasunod na MVP of the Game gantimpala.
Kaya naman si Coach Panda kumbinsido na ang angkop na player rotation sa jungler role ang pinakamahalagang tukuyin ng RSG sa gugulong na break. “So during the two week preparation before playoffs, I will try to see what is the best chemistry that we can make with the two junglers that we have,” aniya.
Susubukang wakasan ng matagumpay ni Coach Panda at ng kaniyang hanay ang kanilang regular season sa harap ng matikas na ECHO sa Week 8 Day 3.
Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Bren Esports giniba ang Blacklist, ‘sobrang commit sa training’ susi sa tagumpay ayon kay FlapTzy