Naikandado na ng Bren Esports ang top seed upang makuha ang unang upper bracket slot sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11) playoffs.
Matapos matagumpay na harangan ang Blacklist International na makamit ang pangarap nilang pwesto sa upper bracket ng playoffs, wala nang makakapigil sa Bren na kunin ang pinakalyamadong lugar sa bracket.
Ipinakita ng Hive sa lahat nang nanonood ang isa sa mga pinakamabilis na laro sa kasaysayan ng MPL. Tinapos nila ang game sa loob ng 10 minutes 20 seconds sa score na 17-0, isang bagay na mahirap gawin laban sa isang team na may kalibre tulad ng Blacklist.
Tinanghal na MVP ng game ang gold laner na si Marco Stephen “Super Marco” Requitano gamit ang Wanwan, na may 9/0/3 KDA at 1088 gold per minute.
TP ng Bren Esports bago tapusin ang Blacklist sa Game 2
Sa mga huling sandali bago matapos ang ikalawang game ng series, na-wipe out ng Bren, na kasamang nagmartsa ang Lord, ang mga Agents sa sarili nilang base, kung saan nakakuha ng Maniac si Super Marco.
Mapapansin na gumamit ng recall, o mas kilala sa tawag na TP, ang mga miyembro ng Hive sa tapat ng respawn point ng Blacklist bago tuluyang tapusin ang laban.
Sa post-match press conference, tinanong ng ONE Esports ang dahilan ng kanilang pag-TP laban sa Blacklist. Sinagot ito ng kapitan ng koponan na si Angelo Kyle “Pheww” Arcangel at sinabing dala ng matinding hype ang kanilang ginawang pag-pop off sa laro.
“Parang ginagawa namin siya everytime na nakaka-warm up kami tapos parang sure end na,” sabi ng M2 World champion.
Nilinaw din ni Pheww na ginagawa talaga nila ito kahit hindi Blacklist ang kalaban. Nakilala ang Bren Esports sa paggamit TP tanda ng hype sa tuwing may nagagawang magandang play sa laro.
Sa pagtatapos, ibinahagi ng kapitan na ang nagbigay sa kanila ng ideya na mag-TP bago wasakin ang base ng kalaban ay ang kanilang EXP laner na si David Charles “Flap” Canon.
“Pero ang nag-shotcall talaga nun, si Flap,” pag-amin ni Pheww. “Sabi ni Flap, ‘TP muna! TP muna!’”
Makakasagupa ng Bren ang ONIC PH ngayong April 15 bago tuluyang dumeretso sa playoffs.
Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng MPL PH S11 sa mga sumusunod na channels at pages:
Para sa iba pang balita tungkol sa esports at MPL, i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.