Muling pinatunayan ng Bren Esports kung bakit sila ang numero unong team sa MPL Philippines Season 11. Ito ay pagkatapos nilang tibagin ang matikas na Blacklist International upang maging unang koponan na makakaselyo ng makapangyarihang upper bracket slot papunta sa playoffs.
Hindi pinaporma ng mga pambato ng The Hive ang defending champions na sinagasaan nila sa dalawang laro bitbit ang pambihirang agresyon at swabeng team play na sinalamin ng magkasunod na 20-3 at 17-0 kill scores.
Matapos ang serye, hindi itinago ng EXP laner ng hanay na si David “FlapTzy” Canon ang kinailangang gawin ng Bren para magawa ang demolisyong pinagulong nila kontra Blacklist.
FlapTzy, Bren inaming kinailangan ang matinding training para tibagin ang Blacklist
Inilahad ni FlapTzy sa post-match interview ang rason sa likod ng kanilang pambihirang arangkada sa harap ng magilas na nakaharap. Aniya, “Siguro dahil pinaghandaan po talaga namin sila sa training namen. Parang sobrang commit yung pagtratraining namen.”
Binanggit din ng long-time Bren Esports pro na malaki ang ginampanan ng kanilang tagumpay sa game one para sindihan ang kanilang momentum pagdako ng huling mapa.
“Nadala lang siguro namen yung momentum namen nung game 1 kaya nung game 2 parang on point yung mga pinaggagawa namen,” kuwento ni Flap.
Gayunpaman, batid daw nila ang angking galing ng Blacklist kung kaya’t may mga pagkakataon na nagdadalawang-isip ang kaniyang hanay sa kanilang mga galaw.
“At the same time parang nag-ooverthink pa rin kame kasi ano eh, yung Blacklist po ano eh, malakas po sila.”
Bukod sa upper bracket slot, sigurado na din ang Bren bilang number one team sa rankings sa pagtatapos ng season anuman ang lumabas ng resulta sa iba pang mga labanan sa paggulong ng Week 8.
Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Paano makakapasok sa playoffs ng MPL PH Season 11 ang Nexplay EVOS?