Sa kahabaan ng gumugulong na regular season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11, maigting na muling pagpapatunay sa katagang “BREN lang malakas” ang tanging ginawa ng BREN Esports.
Simula ika-apat na linggo ng regular season, sila na ang namuno sa standings ng liga. Sila rin ang unang koponang nakaselyo ng spot para sa paparating na playoffs. At ang pinakanakakabilib sa lahat, sila rin ang nagtala ng pinakamahabang winning streak ng kahit anong koponan ngayong season matapos kumamada ng siyam na sunod-sunod na panalo.
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin sigurado na magtatapos ang regular season na top seed ang BREN Esports, dahil bukod sa kasalukyang world champions na ECHO, maaari rin itong masilat mula sa kanila ng Blacklist International, na papasok sa ikawalo at huling linggo ng regular season nang may four-match winning streak.
- Ito ang kailangang mangyari para maselyo ng Blacklist ang Upper Bracket sa MPL PH S11 Playoffs
- Paano masisiguro ng ECHO ang top seed sa MPL PH S11 playoffs?
Ito ang kailangang gawin ng BREN Esports para maselyo ang top seed sa standings ng MPL PH Season 11
Bago magsimula ang huling linggo ng regular season, nakalikom na ng 25 puntos ang koponang pinangungunahan ng Hall of Legends inductee na si Angelo Kyle “Pheww” Aracangel. 31 pa ang max possible points na maaari nilang maipon dahil may dalawa pa silang serye—kontra Blacklist International at ONIC Philippines—ngayong linggo.
Dalawang puntos na lang ang kailangan ng BREN Esports para maselyo ang upper bracket slot, na makukuha mula sa unang dalawang spot ng standings. Pero para makuha ang top seed, kailangan nilang mawalis ang serye kontra Blacklist International para makakuha ng tatlong puntos.
Sa naturang serye na lang kasi nabubuhay ang tsansa ng Codebreakers na makuha ang top seed, lalo na kung mawawalis nila ang BREN Esports. Maaari kasing magkaroon ng tiebreakers ang dalawang koponan, kung saan mangingibabaw ang Blacklist International dahil sa mas mataas nilang game win rate.
Ang pagwawalis ng M2 World Champions kontra M3 World Champions ang pinakamadaling ruta para kina Coach Francis “Ducky” Glindro. Kung hindi kasi, kailangan pa nilang idepende sa serye ng ECHO kontra Smart Omega ang kanilang kapalaran para sa upper bracket.
Samantala, nakatakda namang iraos ang harapang ng BREN Esports at Blacklist International ngayong Biyernes, ika-14 ng Abril.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Ano ang kailangang gawin ng Smart Omega para makapasok sa MPL PH S11 playoffs?