Kapanapanabik ang mga bakbakang itinampok sa ikahuling araw ng Week 6 ng MPL Philippines Season 11 (MPL PH S11). Nasaksihan ng mga miron ang mala-David versus Goliath na bakbakan sa pagitan ng TNC Pro Team ML at Bren Esports, habang masterclass naman ang ipinakita ng ONIC Philippines kontra sa matikas na Nexplay EVOS.
TNC Pro Team ML tumindig, pinutol ang winstreak ng Bren
TNC Pro Team ML ang koponang nakapigil sa nagniningas na atake ng Bren Esports pagkaraang yakagin ni Ben “Benthings” Maglaque ang kaniyang Phoenix Army papunta sa 2-1 iskor para tapusing matagumpay ang kanilang Week 6 sa MPL PH S11.
Ipinakita ng co-captain ng TNC kung bakit isa siya sa tinitingalang roamers sa liga matapos kuyugin ang The Hive gamit ang kaniyang Khufra (0/2/10 KDA) para makuha ng kaniyang hanay ang kumportableng 1-0 abante. Hindi naman pinayagan ni Vincent “Pandora” Unigo na mapanis ang kaniyang debut sa MPL PH S11 nang sagutin niya ang Phoenix Army nang isang magilas na performance hawak ang Arlott (1/1/7 KDA) para hiranging MVP of the Game.
Nagbanta ang Bren ng reverse sweep sa decider ngunit nanaig ang pangkat ni Benthings sa likod ng kaniyang mahusay na Franco (0/4/10 KDA) para lamatan ang makinis na marka ng numero unong team ngayon.
ONIC PH pinapurol ang pangil ng NXPE, 2-0
Pasabog ang isinalang na performance ng ONIC Philippines sa kongklusyon ng Week 6 ng MPL PH S11. Ito ay matapos nilang puguin ang Nexplay EVOS, 2-0, sa likod ng magigilas na peformances mula kay Kenneth “Nets” Barro at Nowee “Ryota.” Macasa.
Hindi nagawang pigilan ng White Tigers ang atake ng ONIC na sumandal sa madulas na Claude ni Nets na pumukol ng malinis na 3/0/4 KDA performance para biguin ang katapat sa lampas 19-minutos sa game one.
Samantala, kumapit ang SONICS sa kanilang beterano na si Ryota. na tinuldukan ang pag-asa ng Nexplay hawak ang pambihirang Arlott na pumukol ng perpektong 3/0/8 KDA sa larong tumagal ng halos 23-minutos.
Sa tagumpay, naangatan na ng ONIC ang NXPE para makapasok sa top 6 at nagbabadyang maangatan ang rank 5 na Smart Omega sa habulan papunta sa Week 7.
Sundan ang mga kaganapan sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: MPL PH S11 Week 6 Day 2 Recap: Blacklist at ECHO umukit ng tig-isang sweep, RSG Slate nakalusot