Tampok sa ikalawang araw ng Week 6 sa MPL Philippines Season 11 (MPL PH S11) ang tatlo sa pinakadekoradong teams sa liga na pinataob ang kani-kanilang mga katapat para gawing solido ang kanilang posisyon sa loob ng top six papunta sa playoffs.
RSG Slate PH bumawi sa Day 2 ng MPL PH S11 W6
Pagkaraang magapi ng Smart Omega sa kanilang bueno mano sa Week 6 ng MPL PH S11, agad bumawi ang RSG Slate Philippines sa sumunod na araw pagkaraan nilang palamigin ang TNC Pro Team ML, 2-1.
Pinangunahan ni Dexter “Exort” Martinez ang atake ng Raiders sa unang mapa hawak ang paborito niyang Kadita (5/0/4 KDA) para maagang makuha ang momentum sa serye. Gayunpaman, hindi pinayagan ni Ben “Benthings” Maglaque na umuwing walang laban ang kaniyang Phoenix Army matapos istyle-an ang RSG gamit ang Khufra (5/1/9 KDA) para itulak ang serye sa game three.
Sa puntong ito nagpamalas ng kaniyang galing si Emannuel “EMANN” Sangco sa kaniyang Karrie (6/1/4 KDA) para isarado ang dikdikang laro na umabot pa ng lampas 25-minutos.
San-san Duo pinanguhanan ang ECHO para padapain ang ONIC PH
Muling nagbaga ang tira ng ECHO sa kanilang unang serye sa Week 6 ng MPL PH S11. Biktima ng Purple Orcas ang ONIC Philippines na pinasubsob nila sa dalawang laro para makuha ang 3 points at makalapit sa numero unong Bren Esports sa regular season standings.
Arlott ni Sanford “Sanford” Vinuya ang bumida para sa M4 World Champions para makuha ang tagumpay sa ika-14 minuto ng unang mapa. Nagtala ang matikas na EXP laner ng 2/1/4 KDA at 67% kill participation para hiranging MVP of the game.
Sa game two, ang katambal naman niya sa San-San Duo na si Alston “Sanji” Pabico ang kumamada para isarado ang serye sa 2-0 sweep. Sandamukal na magic damage ang pinakawalan ni Sanji papunta sa 5/1/5 KDA at MVP of the Game gantimpala para itulak ang record ng mga Orca sa 8-2 kartada.
Debut ni Owl matagumpay, Blacklist winalis ang Smart Omega
Umalingawngaw ang Shooting Gallery Studios, Makati sa palakpakan at hiyawan ng Agents pagkaraang bigyan ng defending champions ng isang mabilis ang karibal na Smart Omega, 2-0, para makuha ang mahalagang puntos upang mapanatiling nakabuntot sa top 3 ng regular season standings.
Nagpamangha si Edward “EDWARD” Dapadap hawak ang kaniyang signature Benedetta na bagamat habag na 0/1/6 KDA lamang ang naitala ay malaki ang inambag sa zoning at atake sa backlines ng kalaban. Kalaunan ay hinirang na MVP of the game ang batikang EXP laner.
Sumunod na bumida para sa hanay ng Blacklist ang bagong-saltang si Lee Howard “Owl” Gonzales na kumamada gamit ang kaniyang Karrie para tuluyan ang mga pambato ng Baranggay. Pumukol ng malinis na 3/0/4 KDA ang pro na kaaangat pa lamang mula MDL para hiranging MVP of the Game.
Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esport Philippines!
BASAHIN: MPL PH S11 Week 6 Day 1 Recap: Smart Omega at Bren Esports pumihit ng tig-isang 2-1