Inilabas ngayon ng Netflix ang official trailer ng Trese, isang Netflix Original Anime series na base sa award-winning graphic novel na nilikha nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo.
Ang Trese ay sumusubaybay sa kwento ni Alexandra Trese, isang detective na lumulutas ng mga krimen na nababalot ng hiwaga, mahika, at kababalaghan.
Gamit ang kapangyarihan ng Mandirigmang-Babaylan, sinusuyod ni Alexandra Trese ang buong Kamaynilaan para lupigin ang iba’t ibang uri ng maligno at engkanto na naghahasik ng kriminalidad sa lungsod.
Bilang patikim, nag-post ang Netflix Philippines ng maikling tula sa Twitter isang araw bago ilabas ang trailer.
Maraming mga fans ang natuwa at nasabik nang ipakita sa trailer ang mga tauhan mula sa komiks na tulad ng Nuno sa Manhole at ang mga Kambal na sina Crispin at Basilio, nangangahulugan na dikit sa orihinal na materyal ang palabas.
Si Jay Oliva, direktor ng mga sikat na animated films tulad ng Batman: The Dark Knight Returns at Justice League: Flashpoint Paradox, ang executive director ng Trese. Habang sina Shay Mitchell (English) at Liza Soberano (Filipino) naman ang magboboses sa bidang si Alexandra Trese.
Ipapalabas ang Trese sa Netflix sa June 11.