Magigising si Daddy Blink ng 9 a.m. Sasagot ng emails buong umaga. Sisimulan ang kaniyang pag-stream ng Call of Duty: Mobile (COD:M) ng 1 p.m. hanggang 5 p.m. Makikipag-laro sa kaniyang anak pagkatapos nito. Tapos uumpisahan na naman niya ang streaming pagdating ng gabi hanggang madaling araw. Tapos gagawa siya at mag-eedit ng TikTok videos.
Pinapatunayan ni Blink Gaming na kahit gaano pa ka-hectic ang schedule niya, dapat may oras pa din siya para sa pamilya niya.
Sino nga ba si Blink Gaming?
Kilalanin si Jeffrey Crawford Junior, a.k.a. “Daddy Blink” ng Blink Gaming, 31, isang streamer ng COD:M. Nagsimula siya maglaro ng games simula pagkabata, at hanggang sa lumipas ang panahon, nag-evolve ang kaniyang mga nilalaro mula sa family computer games, PC games, at ngayon, mobile games.
Nagtrabaho siya bilang isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Qatar para sa kaniyang pamilya, at habang nandoon siya, sinimulan niya ang pag-stream ng kaniyang mga laro dahil inudyok siya ng mga kaibigan niya.
“Doon nag-start ang streaming career ko kasi during July 2018, naka-bakasyon lang ako non kasi OFW ako and then bago ako bumalik sa Qatar, nagbuild ako ng PC dito then sabi ko, mag-start ako na mag-stream kasi ang daming nagsasabi sakin na why not daw ako magstream tutal naglalaro din naman ako, sabi ko sige, tama naman,” sabi ni Crawford.
Ngunit dahil sa pagiging busy, nahirapan siya ibalanse ang kaniyang full-time job sa kaniyang streaming o gaming career.
“May history kasi ako dati na almost mawala na ako sa Facebook gaming career ko dahil nahirapan talaga ako pagsabayin yung work ko at yung streaming career ko and then nangyari ulit sya this year, na almost half of the month wala ako talaga, hindi ako nakapag-stream dahil sobrang busy namin sa trabaho non, and sabi ko why not pagbigyan ko naman yung streaming career ko,” sabi niya.
Dagdag pa ni Crawford, hindi niya pinagsisisihan ang pag-resign sa kaniyang work para maging isang streamer dahil mas nagkakaroon siya ng oras para sa pamilya niya, na nagsisilbing inspirasyon niya sa buhay.
“Kung ni-reregret ko yung desisyon ko from before, hindi eh. Kasi ngayon nagagawa ko na yung kung saan ako nageenjoy talaga and although wala siya masyadong pressure, medyo parang hindi sya ganon kahirap, pero mahirap pa din, kahit nag-eenjoy ka, mahirap pa din yung trabaho, nakakapagod syempre. Pero iba yung nag-eenjoy ka at kasama mo yung family mo talaga,” paliwanag ni Crawford.
“Grabe yung suporta talaga ngayon, sila yung naging big part ng buhay ko lalo na yung community ko ngayon, sila yung big part ng buhay ko na tumulong sakin magdesisyon na mag-for good na sa Pilipinas.”
Ang payo niya para sa mga aspiring streamers ay maging handa sa magiging mga bashers nila at dapat matatag ang loob nila.
“At the end of the day, ang i-fofocus nyo lang talaga sa mismong bagay na gagawin nyo is yung mga taong naniniwala at nananalig at nanonood sainyo araw-araw.”