Minsan lang tayo makakita ng mga banyagang umaawit ng kantang Pinoy. At napakabihira na makarinig tayo ng taga-ibang bansa na matatas sa pagkanta ng OPM (original Pinoy music) na para bang isa siyang tunay na dugong Pilipino.

‘Yan ang ipinamalas ni Aura Fire star jungler Jehuda Jordan “High” Sumual nang awitin niya ang “Sa’yo” ng bandang Silent Sanctuary. Ipinakita ni High na hindi lang siya magaling sa paglalaro ng Mobile Legends: Bang Bang kundi na rin sa pagbirit.


Kinanta ni Aura High ang ‘Sa’yo’ na parang isang tunay na Pilipino

Credit: ONE Esports

Sa isang video na pinost ni Pinoy MLBB export at EVOS Icon EXP laner Gerald “Dlar” Trinchera sa kanyang Facebook account noong ika-18 ng Setyembre, makikita ang pagkanta ni High sa chorus ng hit song na “Sa’yo” mula sa 2013 album ng Silent Sanctuary na Monodramatic.

Kamangha-mangha ang malinaw na pagbigkas ng 21-year-old Indonesian player ng mga salitang Pilipino. Agaw-atensyon din ang kanyang magandang boses.

‘Di tuloy naiwasan ni Dlar at iba pang mga Pinoy na sina Allen “Baloyskie” Baloy at Jaymark “Janaaqt” Lazaro ng Geek Fam ID, Marky “Markyyyyy” Capacio ng Bigetron Alpha at Denver “Coach Yeb” Miranda ng ONIC Esports maging ng iba pa nilang kasamang players sa MPL Indonesia Season 10 na matuwa sa pinakitang talento ni High.

High ng Aura Fire
Screenshot mula sa video ni Dlar

Sa ngayon, kasing-swabe ng boses ni High ang kampanya ng kanyang koponan na Aura Fire sa gumugulong na MPL ID Season 10.

Nasa No. 3 sila ng kasalukuyang eight-team standings hawak ang 6-5 match win-loss record. At dahil dalawang linggo na lang ang nalalabi sa liga, napipisil silang makapasok sa playoffs sa ikatlong sunod na pagkakataon.

Panoorin ang pagkanta ni High ng “Sa’yo” ng Silent Sanctuary na sa link na ito.

Para sa mga balita at guides patungkol sa Mobile Legends, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.