Ipapalabas na sa Netflix ang JoJo’s Bizarre Adventure: Stone Ocean, ang ikalimang season ng anime series na base sa ikaanim na parte ng manga na may kaparehong pangalan.
Ang kwento sa series ay naganap noong 2011, sampung taon pagkatapos ng kaganapan ng sinundan nitong season. Ang season na ito ay tungkol sa anak ni Jotaro na si Jolyne Cujoh, na napagbintangan sa kasong pagpatay at sinintensyahang makulong.
Si Jolyne ang pinakahuli sa hanay ng mga JoJo, mga myembro ng Joestar family na nagsisilbing bida ng bawat season ng series. Ang anime series ay nagsimula at sumikat noong 2012, habang ang manga naman ay nagsimula pa noong 1987. Ang Stone Ocean ay ang ikaanim na parte sa kasalukuyang walong nai-release nang manga, kasalukuyan na ring ginagawa ang ikasyam kung kaya’t asahan mong hindi ito ang huling adventure.
Sa opening sequence ng Stone Ocean, ipinakita ang pagdala kay Jolyne sa bilangguan pati na rin ang ilan sa mga characters na sina Foo Fighters at Ermes Costello, pati na rin ang kanyang amang si Jotaro Kujo, ang bida ng Stardust Crusaders arc. Sa ikalawang bahagi ng trailer, ipinakita kung paano nagising ni Jolyne ang kanyang Stand na si Stone Free.
Ang JoJo’s Bizarre Adventure: Stone Ocean ay ipapalabas sa Netflix sa December 1. Ngunit hindi katulad ng ibang anime, ilalabas ng Netflix ang unang 12 episodes nang sabay-sabay, sa halip na isa tuwing isang linggo.