Isang ‘di inaasahang pagmamahal para sa mobile games ang nabuo para sa Call of Duty: Mobile streamer na si Chianna Mae “Vi” Ilacar.
Bagamat naglalaro na siya noong unang lumabas ang CODM noong 2019, hindi pa nito nakuha agad ang kanyang loob, hanggang sa nakita niya ang sarili niya na naglalaro hanggang alas tres madaling araw, araw-araw.
Pinangunahan din siya ng kaniyang hiya pagdating sa streaming, pero dahil sa patuloy na pag-uudyok ng kaniyang mga kaibigan, nagpasya siyang tahakin ang naturang landas.
“Dati kasi nahihiya ako kasi… ‘yung mga viewers 1 or 2 lang, kasi mga friends ko lang yung nanonood. Tapos masaya na ako ‘pag 5 na yung nanonood. Since mahiyain ako, nagdadalawang-isip ako kung itutuloy ko ba. Pero sabi ng friends ko, kaya mo yan, stream ka lang nang stream lagi. Sabi nila i-push ko raw talaga sarili ko,” aniya.
Ang misyon ni Vi na itaguyod ang kababaihan sa larangan ng mobile games
Pagpapamalas ng ‘girl power’ ang nais ni Vi bilang isang streamer. Hangad niya ang isang mundo kung saan kayang-kaya makipag-sabayan ng mga babae sa mga lalaki sa paglalaro.
“Kasi hindi kami nare-recognize masyado, hindi masyado nabu-boost ang mga girls sa mobile games kasi usually ang mga napapansin nila is yung mga lalaki ganoon, since parang natatak sa mga tao na ‘pag mobile games doon magaling mga lalaki ganoon,” saad nito.
Nagpapasalamat din siya sa kaniyang mga magulang sa kanilang walang-sawang pagsuporta sa kaniyang gaming journey at streaming career.
“They keep pushing me to do my best talaga, na parang ‘di [nila ako pine-pressure] kung iba-balance ko ba ‘yung studies at responsibilities ko kasi parang napatunayan ko sa sarili ko na kaya ko i-balance ‘yung mga bagay outside CODM and inside CODM,” sabi ni Vi.
Sundan si Vi sa kaniyang opisyal na Facebook page, at ‘wag kalimutan I-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa karagdagang storya tungkol sa mga paborito mong Pinoy streamers.