Pasabog na tinapos ng Blacklist International ang kanilang Week 7 sa MPL Philippines Season 11 pagkaraang tibagin ang matikas sa RSG Slate Philippines, 2-0, upang manatili sa gitgitan para sa pinagaagawang upper bracket slot papunta sa playoffs.
Pinahanga nina Lee “Owl” Gonzales at Kenneth Carl “Yue” Tadeo ang mga miron sa dulas ng kanilang individual plays, ngunit ang mas nagpaingay sa madla ay ang paghawak ni Jonmar “OhMyV33NUS” Vilalluna sa kaniyang signature Estes na naging angkorahe ng kanilang Ultimate Bonding Experience (UBE) strat para biguin ang Raiders.
Bagamat mas kinikilingan ngayon ang initation at crowd control roamers, ipinakita ng Blacklist na walang pinipiling meta ang kanilang healing support na sentro para paandarin ang kanilang UBE strat.
Blacklist ipinasilip ang bagong recipe ng UBE strat kontra RSG
Sa dalawang laro kontra RSG Slate PH, naiwang bukas sa draft ang Estes ng The Queen at hindi nag-atubili si Aniel “MasterTheBasics” Jiandani na kuhanin ito. Ang resulta ay dalawang laro kung saan pinagulong ng kaniyang hanay ang UBE strat para magpunyagi sa magkasunod na 20 at 17 minutos.
Kapansin-pansin ang pagkukumpulan ng mga miyembro ng Blacklist sa 7-8 minute game timer na tipikal nilang ginagawa kapag pinapagulong ang pamosong strat habang sinisigurado na na-fast clear ang dalawang sidelanes para hindi mabinbin ang dalawang heroes na dapat ay nakatao rito.
Sa paraang ito, nakapagpatuloy ang defending champions sa pagkuha ng objectives at puruhan ang outer turrets ng RSG, dahilan para lumaki ang sakop nila sa mapa at ma-pressure ang positioning ng kalaban.
At dahil alam ni OhMyV33NUS na susubukan ng kalaban na unahin ang kaniyang Estes, binigyan ng kapitan ng kaunting insurance ang kaniyang hero sa pamamagitan ng pagpili ng Purify bilang Battle Spell, isang maliit na adjustment na napakalaki ng epekto sa atake ng kaniyang pangkat.
Bukod sa Estes ni Momshoes, dalawang beses din isinalang ang Brody para kay Owl na walang-humpay na nag-push ng mga tore para unti-unting manakawan ng resources ang kalaban sa mapa. Ito ang naging pundasyon ng hanay para makuha ang kalamangan sa ekonomiya, at kasunod nito ang kalayaang gumalaw sa mapa at objective-takes.
Malaking bahagi din ang ginampanan ng midlane heroes ni Yue na Valentina at Yve na tumulong sa team fighting at zoning dahil sa slowing capabilities ng mga ito. Gayundin ang iniambag ng tank junglers ni Danerie “Wise” Del Rosario na Fredrinn at Baxia na nanatiling nakatutok sa objectives at pumronta para tangkihin ang damage output ng kalaban sa mga engkwentro.
Dahil dito, inaasahan na mas pagtutuunan ng pansin ng mga susunod na kalaban ng Blacklist ang drafting ng team dahil hindi imposible na paandarin ito ng defending champions.
Manatiling nakatutok sa mga balita ukol sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!