Nanatiling paborito ang ONIC Esports ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol bilang team na makakakuha ng kampeonato ng MPL Indonesia Season 11. Sa pangunguna ng superstar jungler, patuloy ang pamamayagpag ng Yellow Porcupines sa playoffs na kahapon lamang ay itinumba ang EVOS Legends para maipagpatuloy ang kampanya sa upper bracket.
Bagamat sentro ng atake ng ONIC, batid ni Kairi na hindi niya magagawa ang zmga ito kung wala sa likod niya ang suporta at utak ng team na si Denver “Coach Yeb” Miranda.
Kairi nagsalita ukol sa ambag ni Coach Yeb sa ONIC Esports at Pinoy coaches abroad
Pinaunlakan ni Kairi ang ONE Esports sa isang panayam kung saan inilahad niya ang nakikita niyang kahalagahan ng kaniyang long-time coach para sa defending champions ng MPL Indonesia.
Banggit niya, malaki ang ginagampanan ng coach partikular na sa aspetong mental na lalong kailangan ngayong mas matarik na ang daan papunta sa back-to-back titles. “Malaki lalo na sa mental boost ng team, at ang dami niyang natuturo sa mga player.”
Katuwang nito, naging tapat din si Kairi nang tanungin siya ng ONE Esports kung ano ang tantiya niya sa iba pang Pinoy coaches na dumaong sa ibang rehiyon.
Pagtatapat ng ONIC jungler, “Hindi ko alam eh. Kasi marami ako kilalang coach na hindi marunong mag-coach.”
Matatandaan na pagkatapos kuhanin si Coach Yeb ng ONIC Esports bago magsimula ang MPL Indonesia Season 10, dumagsa sa iba’t-ibang bansa ang talentong Pinoy.
Si Kairi, batid ang malaking pagkakaiba ng coaching style ni Coach Yeb kumpara sa iba. “Yung iba, wala ginagawa kundi sabihin yung mali ng mga player at mag-draft lang.”
Susubukan nina Kairi at Coach yeb na ipagpatuloy ang kanilang dominasyon sa playoffs sa harap ng underdog team na Alter Ego sa ikatlong araw ng MPL ID Season 11 playoffs.
Manatiling nakatutok sa mga balita ukol sa MPL sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Payo ni Wise sa Alter Ego ipinaalala ni Nino sa G4 kontra RRQ Hoshi: ‘No Dragon, go back! Go back!’