Inanunsyo na ang Geek Fam ID roster na sasabak para sa MPL Indonesia Season 10. Ngunit kung susuriin ang ginagawa ng teams tulad ng EVOS Legends at Bigetron Alpha na binitin ang anunsyo tungkol sa kanilang import players, maraming nagpapalagay na hindi pa rin kumpleto ang lineup ng GF ID.
Karugtong din ito ng inaasahang pagsanib ng ilang Filipino players sa kanilang roster para pagulungin ang kanilang turn-around season ngayong S10.
Maraming umaasa na kukumpletuhin nina Baloyskie at Hadess ang Geek Fam ID roster para sa S10
Umaasa ang fans na ngayong Season 10 ay magagawa na ng Geek Fam ID na mabaliktad ang kanilang kalunos-lunos na kampanya sa MPL ID. Magagawa lamang ito ng team kung makakakuha sila ng tulong mula sa dekalibreng players.
Kaya naman, gigil ang mga miron sa kumpirmasyon sa pagsanib ng dating ONIC Philippines star at captain na si Allen “Baloyskie” Baloy gayundin ang dating ECHO player na si Jaymark “Hadess” Lazaro.
Matatandaan na inanunsyo na ng Geek Fam ID na muling sasabak para sa kanila sina Rupture at Hanz, habang bibigyan nila ng pagkakataon ang MDL standouts na sina Luke, Caderaa, Manskuyy at Lzura na patunayan ang kanilang sarili sa big stage.
Samantala, manunumbalik rin sa poste bilang head coach si Ruben na maaalalang lumiban noong Season 9. Susubukan niyang dalhin ang koponan na ito sa bagong landas, taliwas sa malubak na daang tinahak nila sa mga nakaraang seasons.
Gayunpaman, hindi naman malayo ang posiblidad na hindi pa kumpleto ang inilabas na roster.
Sa kanilang postings sa social media, sinabi ng koponan na itutuloy nila ang kanilang roster reveal sa mga susunod na araw. Bukod dito, mistulang trend na sa MPL ID ang pagbibitin sa anunsyo ng import na players sa teams.
Ganito ang nangyari kay Marky “Markyyyyy” Capacio na hindi muna inilabas ng Bigetron Alpha kahit pa inilahad na nila ang kanilang roster sa social media. Gayundin ang naganap sa EVOS Legends na piniling ipitin ang anunsyo tungkol sa pagsanib ni Gerald “Dlar” Trinchera.
Malalaman sa mga susunod na araw ang magiging kapalaran ng dalawang Pinoy players, at kung isasapinal ba ng Geek Fam ID ang kanilang roster spots.
Makibalita tungkol sa MPL ID sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.