Agad pinatunayan ni Jaylord “Hate” Gonzales kung bakit siya ang kinuhang import ng Team SMG para sa ika-10 season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Malaysia (MPL MY).
Binuksan kasi ng kanyang koponan ang panibagong kampanya sa liga kontra RSG Malaysia ngayon. Tagumpay ang Team SMG, sa iskor na 2-1, matapos bumida ang Lylia ni Hate, na kinilala bilang ang MVP ng una at ikatlong mapa ng serye.
Lylia ni Hate, MVP kontra RSG MY
Kaabang-abang ang naturang serye dahil ito ang unang beses na sasalang ang Pinoy midlaner sa ilalim ng Malaysian team. Matatandaang kinuha si Hate ng Team SMG bago magsimula ang ika-10 season ng liga matapos lisanin ang ONIC Philippines.
Bago maging midlaner, naglaro na rin bilang gold laner at jungler ang 19-taong-gulang na pro. Hindi naman na siya bumalik sa mga dati niyang role paglipat sa Team SMG, at patunay ang tagumpay nila kontra RSG MY kung bakit.
Sa dalawang panalo ng kanyang koponan, kahit isang beses ay hindi namatay ang Lylia ni Hate. Isa sa mga dahilan para makamit ito ay ang ultimate ng kanyang hero na Black Shoes, pero nakatulong ang kanyang positioning para makapagtala ng mataas na damage sa kanilang mga kalaban.
Para kasi maselyo ang kanilang panalo sa ikatlong mapa ng serye, nakapagtala ang Lylia ni Hate ng game-high 45,438 damage.
Sa isang mensahe na ipinakita sa stream, nagbigay ng papuri ang coach ng Team SMG na si James “Jamess” Chen sa Pinoy midlaner.
“[Hate] got the skills and high understanding of the games. He’s not afraid to voice out his opinion as well,” sulat nito.
(May skills si Hate at mataas ang pag-intindi niya sa mga laro. Hindi rin siya takot na ibahagi ang kanyang mga opinion.)
Samantala, nakatakda namang ipagpatuloy nina Hate at Team SMG ang kanilang kampanya sa MPL MY S10 bukas, Linggo, kontra Team HAQ, sa ganap na ika-12 ng tanghali.
Masusubaybayan ang bakbakan sa opisyal na YouTube channel ng MLBB.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Dlar sa EVOS Legends, opisyal na