Tampok sa huling araw ng Week 2 ng MPL Indonesia Season 11 (MPL ID S11) ang El Clasico match sa pagitan ng RRQ Hoshi at EVOS Legends. Sa naturang matchup, isinalang ng dalawang teams ang bagi nilang lineups para pasabikin ang mga miron sa pinakamalaking Mobile Legends torneo sa bansa.

Pinalakas ni RENBO ang ang lineup ng King of Kings na tinapatan ng patuloy na tumitikas na roster ng White Tigers kung kaya’t umabot hanggang sa deciding game three ang inantabayanang serye.

Credit: ONE Esports

Ito ang mga kaganapan sa labanan ng dalawang bigating teams.


Jungler Baxia ni Alberttt bigo makuha ang tagumpay sa game 1 para sa RRQ Hoshi

Credit: Moonton

Isinalang ng King of Kings ang lineup na kinabilangan nina Alberttt, VYN, Lemon, Skylar at RENBO na itinapat nila sa pangkat ng EVOS tampok sina Branz, DreamS, Hijumee, Saykots at Tazz.

Isinabak ni Albertt sa unang mapa ang jungler Baxia para pangunahan ang agresyon ng RRQ, ngunit naging palitan ng kills at objectives ang kuwento sa midgame. Sinubukan ng mga pambato ng Kingdom na kuhanin ang unang push ngunit maagap ang White Tigers na napigilan ang martsa para pabagsakin ang tatlong miyembro ng kalaban.

Credit: MPL Indonesia

Matigas naman ang naging depensa ng RRQ Hoshi kontra sa tangka ng mga tigre na umabante kasama ang ikalawa, at muli sa ikatlong spawn ng Lord. Ngunit sa ika-apat na subok nakuha ng pangkat ni Branz ang tamang timpla para kuhanin ang game one tagumpay.


Split push ni Skylar susi sa rebanse ng RRQ Hoshi sa Game 2

Hindi napanghinaan ng loob ang koponan ni Albertt na ipinahawak muli ang Baxia sa kaniyang mga kamay ngunit malaki ang ipinagbago ng heroes na ipinalibot sa tank jungler. Sa pagkakataong ito naman, EVOS Legends ang nanguna sa agresyon dahil sa kanilang teamfight heavy composition.

Credit: ONE Esports

Sinubukang samantalahin ng White Tigers ang maagang abante sa pamamagitan ng pag-push kasama ang lord ngunit muli’t-muling napurnada ang kanilang tangka na basagin ang base dahil sa matigas na depensa nina VYN at Lemon.

Nahulma ang resulta ng labang ito sa labanan sa paligid ng ika-apat na Lord kung saan desidido ang parehong team na makuha ang mahalagang objective, ngunit iba ang ideya ni Skylar na binunot ang lakas ng loob para pumugak at nakawin ang game two para sa RRQ Hoshi.


RRQ ginamit ang power draft para kuhanin ang tagumpay sa unang edisyon ng El Clasico sa MPL ID S11

Pagdako ng deciding game three, nasaksihan ng mga miron ang pagbabago sa atake ng dalawang teams sa kanilang drafting. Sa larong ito, natagpuan muli ng King of Kings ang kanikang mga sarili sa maagang bangin kung saan sunod-sunod napabagsak ng White Tigers ang kanilang turrets.

Credit: MPL Indonesia

Ngunit nanatiling tiwala ang RRQ sa kanilang power draft tampok ang Terizla ni Lemon na bumasag sa formation ng kalaban para gawing pabor ang team fights para sa kaniyang hanay.

Dahil dito, nagawa nilang makuha ang krusyal na fourth Lord objective para bigyang-daan ang push ni Lemon at ng kaniyang hanay diretso sa base ng EVOS kung saan walang nagawa ang tatlong natirang miyembro na sumubok na dumepensa.

Sa tagumpay, hindi lamang naitaas nina Lemon ang dangal ng kanilang team, kundi ang kanilang puntos para manatiling nakabuntot sa ONIC Esports sa regular seasons standings. Sa kasalukuyan, nasa 2nd place ang RRQ Hoshi na may 4-1 kartada.

Pagsasalin ito sa sulat ni Cristian Wiranata Surbakti ng ONE Esports ID.

BASAHIN: Matuto kung paano kinontra ni RRQ Lemon ang Moskov sa MPL ID S11 gamit ang Masha