Sa kabila ng lahat ng kanilang pinagdaanan, umariba ang Revenant Esports mula sa pagiging fourth seed patungo sa korona ng Pokémon UNITE Asia Champions League 2023 Indian Division.
Siniguro ng kanilang engrandeng panalo kontra Marcos Gaming ang US$5,000 (PHP274,000) na perang papremyo at ang karapatan na irepresenta ang India sa Pokémon UNITE Asia Champions League 2023 offline final sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Halos perpektong laro ang ipinamalas ng Revenant Esports sa Phase 2 ng torneo
Matapos ang kanilang malamyang laro sa unang bahagi ng torneo, duda na ang fans kung hanggang saan aabot ang Revenant Esports sa elimination matches. Sila ang may pinakamahaba at pinakamasalimuot na daan patungo sa qualifications, kasama ang Gods Reign bilang 4th at 5th seeded teams.
Matalo lang ng kahit isa ay nangangahulugan ng kanilang pagkakatanggal. Kinailangan nilang ipanalo ang at least tatlong sunod na serye nila para makuha ang puwesto sa finals.
Nag-step up ang Revenant Esports sa bawat seryeng nilaro nila
Handang harapin ang hamon, itinuring ng Revenant Esports ang bawat kalaban at serye nila nang may pare-parehas na antas ng respeto at disiplina. Madalas nilang ina-outdraft ang oposisyon at inuuna ang levels at objectives.
Hinarap nila ang maliliit at malalaking laban nang may ibayong pag-iingat at madalas silang nagagantimpalan dahil dito.
Mabilis na nagbago ang opinyon ng miron patungkol sa kanila nang paluhurin nila ang Gods Reign at True Rippers sa unang araw ng elimination matches. Ang ikalawang araw ang tunay na pagsusulit, pero patuloy nilang binasag ang prediksyon nang sipain nila ang S8UL sa pamamagitan ng malinis na 2-0 sweep upang makapasok sa offline finals.
Ang huling serye kontra Marcos Gaming ang pinakamatinding pagsubok. Gaano sila lumakas mula sa panimula ng Pokémon UNITE Asia Champions League 2023 Indian division?
Nag-peak ang Revenant Esports sa mismong panghuling serye. Tumabla sila sa Marcos Gaming at pinuwersa ang deciding Game 3 sa Indian division grand final.
Sa championship decider, dikdikan ang dalawang koponan sa levels at points. Pero nakaalagwa ang Revenant salamat kay XesoL na na-last hit ang Rayquaza gamit ang Mamoswine. Tinapos nila ang laro nang may 396 points kontra sa 209 points ng Marcos, at sinunggaban ang US$5,000 cash prize kasama ang invite sa offline finals.
Ibabandera ng Revenant Esports at Marcos Gaming ang India sa the Pokémon UNITE Asia Champions League 2023 offline finals.
Panoorin ang finals nang live sa ika-18 at 19 ng Marso sa YouTube, Facebook, o Twitch stream ng ONE Esports.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Base ito sa akda ni Danelie Purdue ng ONE Esports.