Naghahanap sa ngayon ng koponan ang beteranong professional Dota 2 player na si Carlo “Kuku” Palad matapos mapaso ang kanyang kontrata sa T1. Bagamat pwede pang ma-renew ito, bukas umano siya sa mga bagong oportunidad.

Sa kanyang Facebook live nitong Miyerkules, ika-26 ng Oktubre, isang fan ang nag-comment na subukan umano niyang lumipat ng karera sa Mobile Legends: Bang Bang, na isa ring multiplayer online battle arena o MOBA tulad ng Dota 2 pero magkaiba ang device na ginagamit.

Pabirong nag-reply ang 26-year-old offlaner ng “NXPE.Kuku^Jungler”. Tinutukoy niya rito ang paglalaro bilang jungler para sa koponang Nexplay EVOS sa MPL Philippines.

Ginawan ito ng NXPE ng isang graphic design na may caption na, “NXPE.Kuku in?” Shinare naman ito ni Kuku sa kanyang Facebook page at nakisabay din sa biro.

Pero posible nga kaya talaga na lumipat ang alamat ng Pinoy Dota sa Mobile Legends? Narito ang kanyang sagot. Nagbigay din siya ng opinyon tungkol sa pagkukumpara ng prize pool sa mga nasabing laro.


Heto ang sinabi ni Kuku sa kanyang live stream

Sa parehong live stream, may halong birong sinabi ni Kuku na posibleng ikonsidera niya na lumipat sa MLBB esports scene kung wala na talaga siyang mapuntahan na Dota 2 team.

“Baka mag-ML na lang din ako ‘no, ‘pag wala na talaga sa Dota. Kasi may nakikita ako mga coach ng ML from Dota rin ‘yung iba guys eh na magagaling,” ani ng 5-time The International (TI) player.

Kuku sa kanyang FB live stream
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Nagbigay din siya ng komento tungkol sa pagkukumpara sa prize pool ng mga torneo sa dalawang esports title.

Alam ng nakararami na mas malaki talaga ang perang papremyo sa Dota 2 na umaabot ng milyon-milyong dolyar pagsapit ng TI, ang world championship ng naturang laro.

Sa kabilang banda, ang M3 World Championship naman ng MLBB ay may US$800,000 prize pool at inaasahang ganito rin ang nakataya sa darating na M4.

Credit: Valve

“‘Di naman kasi sa prize ‘yung tinitignan. Most likely ‘pag tournament is karangalan talaga na isa ka sa mga ‘the best’ na naglalaro para sa game na ‘to like sa Dota,” paliwanag ng dating Mineski at TNC Predator star player.

“Parang passion ‘yan eh, ‘pag nakatingin ka sa pera, medyo mabilis kang mawawala. Pero kung ‘yun ang nagmo-motivate sa’yo, baka goods lang din. So ‘yung sa ML kahit maliit ‘yung prize, karangalan ‘yun guys ‘di lang siya more on sa pera,” dagdag pa niya.

Hindi man sa ngayon, pero baka isang araw ay makita natin si Kuku sa mundo ng MLBB esports.

Para sa mga balita at guides tungkol sa iba’t-ibang esports titles, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.