Opisyal nang nagsimula ang Dota 2 offseason para sa mga koponang hindi nakasama sa The International 11 (TI11) sa Singapore, kabilang na rito ang T1 ni beteranong Pinoy offlaner Carlo “Kuku” Palad.
Nauna munang inanunsyo ng T1 ang pag-alis ni head coach Park “March” Tae-won. Matapos nito, idineklara nila Kuku at Indonesian support Kenny “Xepher” Deo na naghahanap sila ng bagong oportunidad para sa susunod na season ng Dota Pro Circuit (DPC).
“LFT! My mutual contract with T1 has ended, although I’m still open to discussing my contract renewal with the organization,” pagbabahagi ni Kuku sa kanyang Facebook page. “I want to explore other opportunities.”
“LFT next season. Willing to relocate,” tweet naman ni Xepher.
Ang kampanya nila Kuku at kanyang mga kasamahan sa T1
Unang napunta si March sa South Korean esports organization matapos ang kanyang matagumpay na karera sa TNC Predator. Ang Korean player-turned-coach ang inatasan sa roster rebuild ng koponan sa pagtatapos ng The International 9. Kinuha niya ang ilang sikat na Southeast Asian players, kabilang na sina Kuku at Xepher sa simula ng 2021 season.
Sa pangunguna ng kapitang Pinoy na si Kuku, maganda ang naging takbo ng T1 sa DPC 2021. Nasungkit nila ang 3rd place sa WePlay AniMajor at pinagharian ang ESL One Summer 2021 na sinundan ng top 8 finish sa TI10.
Ngunit lumamlam ang galawan ng koponan sa sumunod na taon. Bagamat nakapasok sila sa ESL One Stockholm Major, lumapag sila sa 9th-12th place matapos padapain ng Gaimin Gladiators (0-2) sa upper bracket at Fnatic (1-2) sa lower bracket.
Nagpatuloy pa ang struggle ng T1 at pumalya silang maka-qualify sa PGL Arlington Major. Hindi sapat ang nakuha nilang DPC points kaya kinailangan nilang dumaan sa madugong TI11 SEA Regional Qualifier.
Para palakasin ang kanilang tsansa, kinuha ng organisasyon ang 2-time TI champions na sina Anathan “ana” Pham at Topias “Topson” Taavitsainen. Sa kasamaang palad, dalawang beses kinapos ang koponan na makapasok sa TI11.
Nagtapos sila sa 3rd place sa Regional Qualifier kaya napadpad sila sa Last Chance Qualifier sa Singapore. Dito ay pinauwi naman sila ng Vici Gaming na kumana ng 2-1 win sa kanilang lower bracket semifinal match.
Matapos ang ilang linggo, napagpasyahan ng T1 na magkaroon ng roster changes. Sa ngayon, sina ana, Topson at hard support Matthew “Whitemon” Filemon na lang ang mga natitirang miyembro.
Ang kasalukuyang T1 Dota 2 roster
(1) Anathan “ana” Pham
(2) Topias “Topson” Taavitsainen (stand-in)
(5) Matthew “Whitemon” Filemon
Para sa mga balita patungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Base ito sa artikulo mula sa ONE Esports.
BASAHIN: 1 HP ang nagsalba sa Team Liquid upang makapasok sa top 4 ng TI11