Isang best-of-5 series na lang ang namamagitan sa Tundra Esports at kanilang asam na iangat ang Aegis of Champions sa The International 11 (TI11).
Sinelyo ng Western European powerhouse ang kanilang pag-arangkada tungo sa championship series sa pamamagitan ng mahigpit na 2-1 panalo kontra Team Secret sa upper bracket final ng torneo.
Nasa top form na ang Tundra Esports mula nang simulan nila ang kanilang kampanya sa TI11. Tumikad sila ng 14-4 record sa Group B na sinundan ng back-to-back dominasyon laban sa OG at Team Aster sa upper bracket.
Haharapin ng Tundra ang mananalo sa pagitan ng Team Secret at Team Liquid sa lower bracket final sa huling araw ng kompetisyon.
Lalaban ang Tundra Esports para sa Aegis of Champions matapos pabagsakin ang Team Secret
Umabot ng isang oras at pitong minuto ang Game 1 pero nanaig ang Tundra Esports dahil sa malulupit na individual performances nila midlaner Leon “Nine” Kirilin sa Outworld Devourer at carry Oliver “skiter” Lepko sa Naga Siren.
Bumida naman ang CIS duo na sina Roman “Resolut1on” Fomynok at Baqyt “Zayac” Emiljanov gamit ang kanilang Dawnbreaker at Nyx Assassin para maitabla ng Team Secret ang serye sa Game 2.
Nakataya ang unang grand final berth, binigay ng Tundra ang isa sa unorthodox midlane heroes ni Nine — ang Tusk. Bagamat natalo sa lane, mabilis naka-recover si Nine at nagpasiklab sa Game 3. Pinarusahan nila Martin “Saksa” Sazdov (Tiny), Wu “Sneyking” Jingjun (Mirana) at Neta “33” Shapira (Enigma) ang agresyon ng Secret kaya napasakamay ng Tundra ang kalamangan sa mid game na hindi na nila binitawan.
Tuluyang nag-snowball sina Nine at Tundra Esports dahilan para mapuwersa ang Secret na manatili sa kanilang base.
Pareho sa Game 1, umasa ang Secret sa pagkuha ng Divine Rapier ni Arets “Crystallis” Remco upang baligtarin ang laro. Gayunpaman, pareho pa rin ang naging resulta matapos durugin ng Tundra ang kanilang depensa para mangibabaw sa serye.
Sigurado na ang runner-up finish para sa Tundra Esports at sasabak sila sa bakbakan para sa Aegis of Champions sa ganap na 4:30 ng hapon ngayong Linggo, ika-30 ng Oktubre. Magtatagisan naman ang Last Chance Qualifier winners na Team Secret at Team Liquid sa best-of-3 lower bracket final sa tanghali.
Para sa mga balita patungkol sa TI11 at Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Pagsasalin ito ng artikulo ni Nigel “Zim947” Zalamea ng ONE Esports.