Siguradong Western Europe ang maghaharing rehiyon sa The International 11 (TI11) dahil naipagpatuloy nila Lasse Aukusti “MATUMBAMAN” Urpalainen at Team Liquid ang kanilang mainit na streak sa torneo.

Pinadapa ng Liquid ang Team Aster ng China sa iskor na 2-1 sa kanilang nakakakabang lower bracket semifinal match. Nasiguro ng Liquid ang top 3 finish sa TI11 at tinanggal ang huling non-Western European squad sa kompetisyon.

Sa win-or-go home Game 3, sinandalan ng koponan mula sa Last Chance Qualifier ang matapang na safe lane Night Stalker pick ni MATUMBAMAN. Ayon sa Dotabuff, limang beses pa lang nalalaro ng 27-year-old Finnish carry ang naturang hero mula sa 1,822 games ng makulay niyang karera sa Dota 2.


Napatagal pa ni MATUMBAMAN ang kanyang retirement sa pagpapatuloy ng lower bracket run ng Team Liquid sa TI11

MATUMBAMAN at Team Liquid sa TI11
Credit: Valve

Nailista ng Liquid ang unang panalo sa likod ng support Marci ni Samuel “Boxi” Svahn pero nakabawi ang Aster sa pangunguna ng Pudge ni Zeng “Ori” Jiaoyang at Omniknight ni Ze “Boboka” Zhibiao sa Game 2.

Pagdako ng Game 3, tinanong ng Liquid si MATUMBAMAN kung sino ang gusto niyang huling laruin na hero at sinorpresa niya ang lahat sa pamamagitan ng pag-pick ng Night Stalker pangontra sa Beastmaster at Drow Ranger.



Mariing na-shut down ng Liquid ang early game aggression ng Aster at mabilis na rumiresponde sa mga pini-pressure na lane. Nagsimulang umarangkada si MATUMBAMAN pagsapit ng gabi kung saan hinahabol niya at sina-silence ang heroes ng Aster sa mga team fight.

Gamit ang vision advantage mula sa Dark Ascension, nagawa ng Liquid na pitasin ang mga gusto nilang target. Madals nila hinahabol ang Drow Ranger ni Du “Monet” Peng sa backline para pigilan siya na tumayo lang at magpakawala ng damage.



Bagamat nahirapan sa laning stage, malaki pa rin ang impact ng Pangolier ni Ludwig “zai’ Wahlberg gamit ang clutch Rolling Thunders. Kabilang na dito ang dalawang paggamit niya ng ultimate para guluhin ang Aster sa Dire jungle ramp patungo sa Roshan pit para masiguro ng kanyang koponan ang Aegis of Immortal.

‘Di naman maganda ang naging resulta ng pasya ng Aster na i-flex ang kanilang Naga Siren na ginawa nilang position-4 support. Nahirapang sumabay sa net worth ang Primal Beast ni Ori at Beastmaster ni Li “Xxs” Jing habang ang Lina naman ni Michael “miCKe” Vu at NS ni Matu ay sobrang tataba kumpara sa cores ng kalaban. At kitang-kita ang kanilang diperensya pagdating sa mga clash.



Hindi nagawang lumaban nang maayos ng DR ni Monet at wala nang nagawa ang Aster kundi panoorin sina MATUMBAMAN at Liquid na basagin ang kanilang base.

Haharapin ng Team Liquid ang kapwa LCQ squad na Team Secret sa lower bracket final bukas alas 12 ng tanghali. Ang mananalo ay aabante para kalabanin ang Tundra Esports sa best-of-5 grand finals na nakatakda naman sa 4:30 ng hapon. Nanaig ang Tundra kontra Secret sa upper bracket final sa iskor na 2-1.

Para sa mga balita patungkol sa TI11 at Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Hango ito sa akda ni Nigel “Zim947” Zalamea ng ONE Esports.


BASAHIN: 1 HP ang nagsalba sa Team Liquid upang makapasok sa top 4 ng TI11