Selyado na ng SIBOL Dota 2 ang pilak na medalya habang malaki pa ang tsansa nilang masungkit ang ginto sa International Esports Federation World Esports Championship 2022 (IESF WEC 2022) sa Bali, Indonesia.

Ito’y matapos paluhurin ng Philippine national Dota 2 team ang Laos sa pamamagitan ng 2-1 reverse sweep upang makasampa sa grand finals. Bilang unang finalist, mayroon na agad silang 1-0 kalamangan sa best-of-5 gold medal match.

Bukod pa sa medalya, sigurado na rin ang US$30,000 o PHP1.6 milyon na perang papremyo para sa pambato ng Pilipinas, na ginapang ang group stage at play-ins para makatuntong sa main event ng 29-team tournament.


Akashi nagpasiklab sa Game 3, SIBOL Dota 2 ni-reverse sweep sina JaCkky at Laos

Akashi ng SIBOL Dota 2
Credit: SIBOL

Pagkatapos itabla ang upper bracket finals sa 1-1, nakapagpundar agad ng 6K net worth lead ang SIBOL Dota 2 nang maaga sa Game 3. Nanaig sila sa mga skirmish dahil sa global presence ng Nature’s Prophet ni carry Eljohn “Akashi” Andales at Dawnbreaker ni offlaner Joel “JWL” Pagkatotohan.

Sa 20-minute mark, tinangka nila dating BOOM Esports carry Souliya “JaCkky” Khoomphetsavong at Laos na mag-contest sa Roshan attempt ng Pilipinas subalit sila ang naubos. Hawak ang Mjolnir at Black King Bar, tumikada ng triple kill si Akashi sa five-man team wipe bago ibulsa ang Aegis of Immortal.



Mula dito ay nagpatuloy ang pag-arangkada ng SIBOL Dota 2 squad. Makalipas lang ang limang minuto, pumitas sila ng apat na kills kabilang si JaCkky at nilimas ang mid lane barracks ng Laos.

Sa 28th minute, na-break ni midlaner Charles “Lewis” Delos Santos (Ember Spirit) ang smoke play ng Laos bago sila pulbusin ng mga Pinoy sa pangunguna ng naka-Double Damage na si Akashi. Ilang saglit lang ay napa-dieback nila si JaCkky at kakampi niyang mid Death Prophet upang mapuwersa ang GG call.



Kumana si Akashi ng 16 kills at 12 assists kontra sa 2 deaths lamang. Binitaw din niya ang pinakamataas na hero damage na umabot sa 38K at nagtala ng halos 1K gold per minute.

Tig-20 assists naman ang inilista ng support duo na sina James Erice “Erice” Guerra (Skywrath Mage) at Jomari “Grimz” Anis (Gyrocopter) habang sina JWL at Lewis ay pumukol ng 10/3/15 at 5/4/22 KDA.

Haharapin ng SIBOL Dota 2, na binubuo ng mga manlalaro mula sa Sky Encore at Polaris Esports, ang matitirang koponan sa pagitan ng Laos, Indonesia at Thailand na magsasalpukan sa lower bracket. Ang grand finals ay nakatakdang idaos sa ika-10 ng Disyembre.

Para sa iba pang balita patungkol sa SIBOL national esports team, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.