Pukpukan ang paghahanda nila Topias “Topson” Taavitsainen at Anathan “ana” Pham ng T1 para sa isa na namang kampanya sa The International (TI).
Ang dalawang bagong manlalaro ng Southeast Asia-based squad ay naglaro ng pinagsamang total 336 ranked games matapos silang makapasok sa TI11 Last Chance Qualifier sa pamamagitan ng 3rd place finish sa SEA Regional Qualifier.
Sa oras ng pagsusulat, si Topson ay sumabak na sa 150 games habang mas nagbabatak naman si ana na may 216 games, ayon sa Dotabuff.
Topson at ana ng T1 subsob sa preparasyon para sa TI11 LCQ
Seryoso ang back-to-back champion players mula sa OG sa kanilang pagbabalik sa competitive Dota 2 scene kasama ang T1. Naglalaro sila ng halos 100 games kada linggo pagkatapos silang mapabagsak ng all-Pinoy team Polaris Esports sa lower bracket final ng SEA Qualifier.
Partikular na si Topson, na nag-grind ng sumatotal na 30 games sa isang araw lang–noong ika-21 ng Setyembre–ayon kay dating Talon Esports coach Lee “Forev” Sang-don. Ipinakita rin ng Finnish midlaner ang kanyang malalim na hero pool sa pamamagitan ng paggamit ng 33 heroes at ang kanyang most picked ay si Void Spirit.
Samantala, si ana naman ay namataan sa offlane sa karamihan ng kanyang mga laro kung saan gumamit ang Australian pro ng mga hero tulad ng Enigma, Marci at Bounty Hunter.
Mukhang naghahabol ang mga dating superstar ng OG sa kompetisyon upang makabalik sa kanilang TI form sa pamamagitan ng paglalaro ng napakaraming ranked games.
Nagretiro si ana noong Hunyo ng nakaraang taon pero nagpakita bilang last-second stand-in ng Team Liquid at Royal Never Give Up sa magkahiwalay na LAN tournaments ngayong taon. Sa kabilang banda, napagpasyahan naman ni Topson na magpahinga muna sa competitive Dota matapos ang top 8 finish ng OG sa TI10.
Muling nagkasama ang dalawa sa kanilang pag-sign sa T1 at agad na naghanda para sa TI11 SEA Qualifier kasama sina Pinoy captain-offlaner Carlo “Kuku” Palad at Indonesian support duo Kenny “Xepher” Deo at Matthew “Whitemon” Filemon.
Nakatakdang harapin ng T1 ang Team Liquid ng Western Europe sa kanilang opening match sa group stage ng TI11 Last Chance Qualifier. Gaganapin ito sa ika-8 ng Oktubre sa oras na 12:30 ng tanghali.
Tanging ang top two teams lang mula sa LCQ ang aabante at makakasama ang 18 koponan na pasok na sa TI11 group stage.
Mapapnood ang mga laban sa sumusunod na Twitch streams ng PGL: PGL_Dota2, PGL_DOTAEN2, PGL_DOTA2EN3 at PGL_DOTA2EN4.
Para sa mga istorya patungkol sa Dota 2 at iba pang esports titles, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Ito’y pagsasalin ng akda ni Nigel “Zim947” Zalamea ng ONE Esports.
BASAHIN: Lahat ng koponan na lalahok sa TI11 Last Chance Qualifier