Buo pa rin ang winning streak ng RRQ matapos nilang i-eliminate ang Buriram United sa lower bracket semifinal sa Wild Rift Championship Southeast Asia (WCS) Finals 2022.

Nagsimula ang winning streak ng RRQ sa turneo matapos nilang ilaglag ang kapwa Filipino team na FENNEL Adversity nang magharap ang dalawa sa quarter finals ng lower bracket. Sinelyo rin ng tagumpay nito ang tiket ng King of Kings sa play-ins ng Icons Global Championship 2022.

Ngayong, naka-abante na rin ang koponan sa lower bracket final, kung saan naghihintay ang Flash Wolves, buhay na buhay pa ang tsansa ng mga Pinoy na hiranging kampeon ng WCS Finals 2022 at maka-qualify sa group stage ng global tournament ng Wild Rift.

Helios, umarangkada para ma-extend ang winning streak ng RRQ

6-0 na ang winning streak ng RRQ matapos walisin ang Buriram United sa WCS Finals 2022
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Malinis ang ipinamalas na galawan ng mga Pinoy sa best-of-five kontra kinatawan ng Thailand. Pinangunahan ng midlaner ng koponan na si Sean “Helios” Palisoc ang bawat tagumpay ng RRQ, matapos hiranging player of the game noong una at ikalawang mapa ng serye.

Bilang Fiora, si Helios ang may gawa ng pito mula sa 19 na kabuuang kills ng mga hari. Dinagdagan pa niya ito ng siyam na assists para makapagtala ng 79% kill participation. Ganito rin halos ang kanyang KDA kay Ahri pero nagawa niyang tapusin ang 16-minutong laro nang hindi namamatay.

Nagpatuloy sa ikatlong mapa ang pagpapakitang-gilas ng Akali ni Helios, na nagtala ng siyam na kills at dalawang assists nang hindi namamatay. Nag-ambag din ang Irelia ni Charles “Chaazz” Esguerra ng limang kills at 16 assists para hiranging player of the game.

6-0 na ang winning streak ng RRQ matapos walisin ang Buriram United sa WCS Finals 2022
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Dahil sa tagumpay ng RRQ, natapos ang kampanya ng Buriram United sa WCS Finals 2022 sa ika-apat na puwesto. Mag-uuwi ang pambato ng Thailand ng higit ₱1 milyong pisong premyo, mula sa halos ₱10.5 milyong prize pool.

Samantala, tiyak na ang third-place finish para sa mga Pinoy, gayun din ang mahigit ₱1.2 milyong premyo.

Gaganapin naman ang best-of-seven bakbakan sa pagitan ng RRQ at Flash Wolves sa Sabado, ikapito ng Mayo, sa ganap na ikalawa ng hapon.

Masusubaybayan ang Filipino broadcast ng WCS Finals 2022 sa opisyal na Facebook channel ng WCS Philippines at PPGL.

BASAHIN: Team Flash aarangkada sa grand final ng WCS Finals 2022