Selyado na ang playoff spot ng Team Secret sa Wild Rift SEA Championship 2021 matapos nilang tuldukan ang kanilang kampanya sa group stage sa ikalawang puwesto.

Nakalikom ang kinatawan ng Pilipinas ng 11 puntos matapos magtala ng tatlong panalo at dalawang tabla sa kabuuan ng single round-robin. Dahil dito, pasok sila sa upper bracket quarterfinals ng playoffs kung saan haharapin nila ang MBR Esports ng Indonesia.

Ang kampanya ng Team Secret sa group stage ng Wild Rift SEA Championship 2021

Team Secret Wild Rift SEA Championship 2021
Credit: Team Secret

Tanging Team Secret lang ang koponang hindi nakaranas ng series loss sa kabuuan ng group stage sa kanilang pangkat na binubuo rin ng Buriram United, MBR Esports, ONE Team, SVP, at Team Flash.

Napaghigantihan nila ang FENNEL Adversity, isa pang pambato ng Pilipinas, kontra Buriram United, ang koponang lumaglag sa mga ito noong Last Chance Qualifier, para dungisan ang perpekto nitong record.

Nagsalitan sa pagpapakitang-gilas sina Eleazar “Azar” Salle at Heri “Tatsurii” Garcia kontra kinatawan ng Thailand. Sa unang mapa, nakabawi mula sa bahagyang pagkakadehado ang mga Pinoy salamat sa isang bakbakan matapos nilang makuha ang Infernal Dragon.

Hinirang na MVP ang Graves ni Azar sa larong ito matapos magtala ng game-high na siyam na kills, 24,445 champion damage, at 16,251 turret damage.

Katarina naman ni Tatsurii ang nagwala upang tuluyang mawalis ng mga Pinoy ang kanilang kalaban. Tinambakan nila ang Buriram United sa kills, 52-21, salamat na rin sa Triple Kill ng kanilang mid laner, bandang 10 minuto ng bakbakan.

Kinilala rin si Tatsurii bilang ang MVP ng serye dahil sa kanyang pinamalas na performance.

Team Secret Tatsurii MVP Wild Rift SEA Championship 2021
Credit: Wild Rift Esports / Screenshot ni Maouie Reyes / ONE Esports PH

Sa kabila ng kanilang panalo, nakalamang pa rin ang Buriram United ng isang puntos sa pambato ng Pilipinas para maging top-seed ng Group A.


Wild Rift SEA Championship 2021 Qualified Teams
Credit: PPGL

Nakatakdang ganapin ang playoffs ng Wild Rift SEA Championship 2021 simula sa ika-30 ng Setyembre hanggang sa ikatlo ng Oktubre.

Masusubaybayan ang Filipino broadcast ng turneo sa opisyal na Facebook page at YouTube channel ng PPGL.