Halos perpekto ang ginawang kampanya ng Team Secret sa League of Legends: Wild Rift Southeast Asia Icon Series Philippines 2021 Fall Season playoffs para masungkit ang kampeonato sa naturang liga.
Winakasan ng Secret ang kanilang dominanteng playoff run gamit ang 3-1 panalo kontra sa Fennel Adversity sa best-of-five grand finals noong Linggo.
Nagawang madungisan ng Fennel ang malinis na kartada ng Secret sa torneo matapos maipanalo ang Game 1 sa loob ng 23 minuto kung saan umarangkada ang Varus ni kapitan at ADC John Phillex “Dani” Bulanadi.
Ngunit agad na tumabla sa Game 2 ang Secret na pinangunahan ng napakakunat na Vi ni jungler Robert “Trebor” Mansilungan at Riven ni baron laner Eleazar “Azar” Salle.
Nakuha ng boys in black and white ang championship point sa Game 3 kung saan highlight ang four-man knock-up mula sa Aqua Prison ng Nami ni kapitan at support James “Hamez” Santos sa isang malaking team fight victory malapit sa Baron pit.
Nagpalitan ng kalamangan ang dalawang koponan sa Game 4 ngunit sa huli ay nagawa pa ring paamuhin ng Secret ang “zoo lineup” ng Fennel upang maselyo ang kampeonato.
Bumida sila midlaner Heri “Tatsurii” Garcia sa kanyang Galio at ADC Caster “Chewy” Dela Cruz sa kanyang Kai’Sa sa huling laro.
Muntik nang makakumpleto ng playoff sweep sila Hamez at ang kanyang crew matapos nilang walisin ang Lakan Esports, Smart Omega at Fennel Adversity sa iskor na 2-0 sa upper bracket.
Matamis na tagumpay ito para sa Team Secret matapos silang bumagsak sa mga kamay ng Amihan Esports noong Summer Season.
Naibulsa ng Secret ang champion’s prize na P300,000 samantalang nakuha naman ng Fennel ang premyo na P175,000.
Team Secret at Fennel Adversity makikipagbakbakan sa SEA Championship para sa spot sa Wild Rift Worlds 2021
Dadalhin ng Team Secret at Fennel Adversity ang bandera ng Pilipinas sa Southeast Asia Championship kung saan magsasalpukan ang 21 koponan para sa dalawang tiket patungo sa kauna-unahang Wild Rift World Championship.
Makakalaban nila ang mga solidong koponan mula sa Thailand, Malaysia, Vietnam, Indonesia, Singapore, Taiwan, Hong Kong at Australia. Kabilang dito ang EVOS Esports TH na pinagharian ang Summer Super Cup.
Susubukan ng Fennel na makatakas sa Play-ins kung saan ang top 3 teams ay makakapasok sa group stage. Gaganapin ito mula September 14 hanggang 19.
Samantala, ang Secret naman ay seeded na sa group stage na naka-schedule sa September 23 hanggang 26. Dito, ang 12 teams ay hahatiin sa dalawa at ang top 4 sa bawat grupo ay aabante sa playoffs.
Sa playoffs na nakatakda mula September 30 hanggang October 3, ang mga upper bracket match at lower bracket finals ay best-of-five habang ang ibang mga lower bracket match ay best-of-three. Ang grand finals ay isang best-of-seven series.
Irerepresenta ng dalawang finalists ang Southeast Asia sa Wild Rift Worlds 2021 sa dulo ng taon.
Maaari niyong masaksihan ang mga aksyon sa SEA Championship sa pamamagitan ng Twitch, YouTube at Facebook channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL).