Sinelyo ng Team Flash ang unang slot sa grand final ng Wild Rift Champions Southeast Asia (WCS) Finals 2022 matapos pangibabawan ang Flash Wolves sa upper bracket final sa iskor na 3-1.

Tatlong sunod-sunod na tagumpay ang naitala ng pambato ng Vietnam ng best-of-five para masipa sa lower bracket ang kinatawan ng Taiwan at makahakbang papalapit sa pinaka-aasam na kampeonato.

Zysu at Coyote susi sa tagumpay ng Team Flash kontra Flash Wolves

Credit: Riot Games

Nagtig-isa ng panalo ang dalawang koponan sa unang dalawang mapa ng serye matapos magsalitan sina Chan “Cookie” Yun-Shang ng Flash Wolves at Nguyễn “Zysu” Phat ng Team Flash sa pag-gamit ng Jax.

Pero nang ilabas na ng kampeon ng WCS Vietnam 2022 ang Olaf para sa kanilang Jungle player, agad na nag-iba ang takbo ng dikit pa sanang bakbakan. Isang team fight para sa Rift Herald ang pumutok sa ika-apat na minutong marka ng ikatlong mapa kung saan apat ang napitas ng Team Flash.



Dalawa mula dito ang napunta sa Olaf ni Zysu, at bagamat siya lang din ang namatay sa kanilang hanay, nagsilbi itong hakbangan para hirangin siyang player of the game. Siya ang nagtala ng 12 mula sa 26 kabuuang kills ng kanyang koponan, bukod pa sa game-high 1052 na gold-per-minute at 1150.23 damage per minute.

Team Flash aarangkada sa grand final ng WCS Finals 2022
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Matapos tambakan ang Flash Wolves sa ikatlong mapa at itulak ang serye sa match point, hindi na pinakawalan ng Team Flash ang tsansa na tapusin nang maaga ang serye. Bagamat bahagyang napabagal ng mga Taiwanese ang Olaf ng Zysu, hindi naman nila napigilan ang pagwawala ng Lucian ni Phạm “Coyote” Bình.

Maaga rin nakapagtala ng kalamangan ang Team Flash sa kalauna’y huling mapa ng serye, pero hindi naman pumayag ang Garen ni Wang “Ysera” Tsung-Chih na hindi sila papalag. Napahaba ng Flash Wolves ang laban, pero isang four-for-one exchange na binuksan ng Lucian ni Coyote ang nagdikta sa resulta ng laban.



Dahil sa kanilang pagkapanalo, naselyo na ng Team Flash ang second-place finish maging ang higit ₱1.4 milyong papremyo.

Makikilala ang makakalaban ng mga Viet sa grand final bukas, pagkatapos ng lower bracket final sa pagitan ng Flash Wolves at ang mananalo sa pagitan ng RRQ at Buriram United.

Masusubaybayan ang Filipino broadcast ng WCS Finals 2022 sa opisyal na Facebook channel ng WCS Philippines at PPGL.

BASAHIN: Panoorin ang game-changing Baron steal ni RRQ Chazz sa WCS Finals 2022