Pinakita ng Sibol Wild Rift women’s team na sila ang paboritong mag-uwi ng gintong medalya matapos magtala ng perkpektong kampanya sa single round-robin group stage ng 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.

Binabandera ng GrindSky Eris, isa-isang pinatumba ng Sibol ang apat na kalabang koponan sa unang bahagi ng League of Legends: Wild Rift women’s division para iselyo ang kanilang spot sa playoffs na nakatakda sa Miyerkules.


Ang perkpektong takbo ng Sibol Wild Rift women’s team sa SEA Games group stage

Sibol Wild Rift women's team
Credit: GrindSky Esports

Bagamat naantala ng matagal na technical delay, naging mainit pa rin ang pagsisimula ng kampanya ng Sibol Wild Rift women’s team sa SEA Games kontra Thailand. Tinangka ng mga Thai na baligtarin ang laro pero matapos ma-secure ang Elder Cloud Dragon sa 22-minute mark, binura nila ADC Charize Joyed “Yugen” Doble (Corki) at kanyang mga kakampi ang mga kalaban para ipako ang 22-14 victory.

Naglista si Yugen ng 7/3/10 KDA habang ang Riven naman ni baron laner Rose Ann Marie “Hell Girl” Robles ay kumana ng 8-2-4 KDA.

Credit: SEA Games 31 YouTube
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Malinis pa rin ang pinamalas na galawan ng pambato ng Pilipinas laban sa Singapore kahit pa pinalitan ni jungler Angel Danica “Angelailaila” Lozada si April Mae “Aeae” Valiente.

Nanguna ang ADC-support duo na sila Yugen (Vayne) at Giana Joanne “Jeeya” Llanes (Yuumi) ang pagbitaw ng damage habang pumronta naman sina captain-mid laner Christine Ray “Rayray” Natividad (Galio), Angelailaila (Xin Zhao) at Hell Girl (Irelia) sa mga clash upang maitala ang 22-11 win sa loob ng 16 minuto.

Credit: SEA Games 31 YouTube
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Nagbalik si super rookie jungler Aeae sa lineup kontra Laos at nagpasiklab sa kanyang Olaf na tumikada ng 11/2/15 KDA kasama pa ang quadra kill sa dominanteng 33-6 panalo sa loob lamang ng 12 minuto at 34 segundo.

Naglista rin ang beteranong support na si Jeeya ng nakakamanghang 28 assists at 97% kill participation gamit ang Karma.

Credit: SEA Games 31 YouTube
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Sa bakbakan para sa top seed kontra Vietnam, ipinamalas ng Sibol Wild Rift women’s team ang kanilang matibay na chemistry at disiplinadong pagkuha ng objectives para ipukol ang isa na namang one-sided 20-4 victory sa loob ng 19 minuto.

Hindi namatay ang adc-support duo na Senna ni Yugen (3/0/15) at Nasus ni Jeeya (2/0/14), at nagsilbing mga initiator ng team fights ang Galio ni Rayray (4/1/8), Camille ni Hell Girl (5/2/6) at Xin Zhao ni Angelailaila (6/1/8).

Credit: SEA Games 31 YouTube
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Makakaharap ng Sibol Wild Rift women’s team ang No. 4 seed na Thailand sa semifinals bukas sa ganap na ika-12 ng tanghali habang ang Vietnam naman ay makakatunggali ang No. 3 seed na Singapore sa susunod na laban.

Aabante sa gold medal match ang mga magwawagi habang ang mga matatalo ay mapupunta sa bronze medal match. Lahat ng serye sa playoffs ay best-of-five.

Samantala, nalaglag naman ang Laos sa torneo matapos mabokya sa group stage.


Para sa mga istorya patungkol sa Sibol Wild Rift women’s team at iba pang koponan ng Pilipinas sa esports tournament ng 31st SEA Games, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.