Abot-kamay na ang gintong medalya para sa Sibol Wild Rift women’s team matapos nilang padapain ang Thailand sa iskor na 3-1 sa semifinals ng League of Legends: Wild Rift women’s division sa 31st Southeast Asian Games.
Sigurado na ang silver medal para sa koponang binubuo ng GrindSky Eris stars at hinihintay na lang nila ang mananalo sa pagitan ng Vietnam at Singapore para sa makakalaban nila sa best-of-five grand finals mamaya.
Pinaluhod ng Sibol Wild Rift women’s team ang Thailand sa SEA Games semifinals
Matapos ang malinis na sweep sa group stage, natikman ng Sibol Wild Rift women’s team ang kanilang unang pagkatalo sa 31st SEA Games sa Game 1 ngunit agad silang bumawi sa Game 2 para maitabla ang serye.
Bagamat nanakaw ni Elizent (Varus) ang Baron Nashor, nakuha naman ng Sibol ang Elder Cloud Dragon at matapos nito ay pinatumba nila ang apat na miyembro ng kalaban isang matinding team fight sa jungle na pinangunahan ng Riven ni Rose Ann Marie “Hell Girl” Robles. Nagmartsa sila diretso diretso sa mid lane upang iselyo ang 15-12 panalo sa loob ng 19 minuto.
Malakas ang panimula ng Thailand sa Game 3 pero hindi nagpatinag ang pambato ng Pilipinas. Sa 19-minute mark, nakitil ng Sibol Wild Rift women’s team ang Elder Cloud Dragon at sunod na pinulbos ang mga Thai.
Dalawang minuto pagkatapos nito, inilista ni ADC Charize Joyed “Yugen” Doble sa kanyang Corki ang kauna-unahang penta kill sa SEA Games Wild Rift tournament para ipako ang 17-15 comeback win.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Sibol Wild Rift women’s team sa pagsara ng serye sa Game 4 at tuluyang pag-arangkada sa bakbakan para sa ginto.
Sa 12-minute mark ng laro, tumikada si captain-midlaner Christine Ray “Rayray” Natividad sa Diana ng triple kill sa pag-ace ng mga Pinay sa mga Thai. Malaki naman ang ginampanan nila jungler Angel Danica “Angelailaila” Lozada (Xin Zhao) at support Giana Joanne “Jeeya” Llanes sa pagkuha ng objectives para maitala nila ang 14-7 panalo sa loob ng 16 minuto.
Manatiling updated sa mga balita patungkol sa Sibol national esports team sa SEA Games sa pamamagitan ng pag-like at follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.