Kinapos ang pambato ng Pilipinas na Team Secret kontra sa koponan mula sa China na ThunderTalk Gaming sa kanilang unang match sa group stage ng Wild Rift Horizon Cup 2021 nitong Sabado ng gabi, ika-13 ng Nobyembre.
Naka-bwena mano ang Southeast Asia Championship runner-up sa serye ngunit nakabwelta ang kampeon ng LPL Qualifier sa mga sumunod na laro para makuha ang panimulang 2-1 victory sa crowning event ng League of Legends: Wild Rift esports ngayong taon.
Team Secret mainit sa unang pagsalang sa Horizon Cup
Agad na nagpasiklab ang Team Secret sa kauna-unahang global tournament ng Wild Rift matapos durugin ang ThunderTalk Gaming sa Game 1.
Nakaalagwa ang TS nang makapaglista sila ng 3-for-nothing trade kasama pa ang Cloud Dragon sa bandang nine-minute mark. Magandang sinimulan ni Caster “Chewy” Dela Cruz sa kanyang Varus ang clash gamit ang Chain of Corruption sa Graves ng TT habang nahuli naman ni Heri “Tatsurii” Garcia sa Galio ang dalawa pang kalaban gamit ang Shield of Durand.
Sa bandang 14 minuto, nakapitas ng dalawa si Eleazar “Azar” Salle sa Darius na nagbigay-daan sa pagkuha ng Secret sa Ocean Dragon at Baron. Tuluyang pinako ng hari ng WR sa Pinas ang unang laro sa iskor na 16-4 sa loob ng 18 minuto.
ThunderTalk nanaig sa huling dalawang laro
Pinagpag lang ng ThunderTalk Gaming ang kanilang pagkatalo sa unang laro at mabilis na bumawi sa Game 2.
Sa likod ng malahalimaw na mid Riven ni Zhou “Z” Tianjian, dalawang beses na na-ace ng Chinese squad ang PH team para maitala ang 19-5 win sa loob ng 17 minuto at maitabla ang serye.
Dikit ang naging bakbakan sa deciding Game 3. Bagamat nakalamang ang Team Secret sa early game, nakahabol ang ThunderTalk Gaming sa mid game.
Naging susi ang magandang positioning ng TT sa mapa para siguruhing makukuha nila ang mga objective. Tatlong Dragon buffs, isang Rift Herald at isang Baron ang naselyo nito.
Sa bandang 16-minute mark, ninakaw ng mga Tsino ang Baron at napatumba pa nila sila Robert “Trebor” Mansilungan sa Lee Sin at Azar sa Renekton.
‘Di na sila nagpatumpik-tumpik pa at diretsong nagmartsa sa mid lane para basagin ang Nexus ng mga Pinoy at magwagi sa mainit na serye.
Dahil sa manipis na pagkatalo, sinimulan ng Team Secret ang kanilang kampanya sa No. 4 sa Group B. Ang top three teams lamang sa bawat grupo ang aabante sa playoffs.
Susubukan nila kapitan James “Hamez” Santos at Secret na makabawi laban sa eBRO Gaming ng South America sa closing match ng Group Stage Day 2. Galing din sa pagkatalo ang eBRO kontra sa Team Queso (2-0) ng Europe.
Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng Wild Rift Horizon Cup 2021 sa Facebook page at YouTube channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL).