May sari-sariling hugot ang Sibol Wild Rift girls sa kanilang pagsabak sa 31st Southeast Asian Games kaya naman gigil sila na maiuwi ang gintong medalya sa Pilipinas.

Sa eksklusibong interbyu kasama ang ONE Esports Philippines bago pa sila lumipad patungong Vietnam, ikinuwento ng koponan na binubuo ng GrindSky Eris stars ang kanilang mga motibasyon sa pag-abot ng pinakamataas na parangal sa League of Legends: Wild Rift women’s tournament ng SEA Games.


Ibinahagi ng Sibol Wild Rift girls ang kanilang inspirasyon sa pagnanais na makuha ang ginto sa SEA Games

Credit: SIBOL

Para sa support at pinakabeteranong manlalaro ng koponan na si Giana Joanne “Jeeya” Llanes, nais niyang patunayan sa kanyang mga magulang na hindi siya nagkamali sa pagpili ng karera sa larangan ng esports.

“Isa sa mga driving factors ko ‘yung parents ko kasi medyo disappointed sila sa’kin. Sinasabi nila na sayang daw ‘yung engineering at tourism na kinuha ko, ‘di ko man lang daw nagamit ‘yung mga pinag-aralan ko. Sa sarili ko kasi, (alam kong) sa gaming ako masaya eh,” wika ng 26-year-old na Caviteño.

“Gusto ko mapatunayan sa kanila na may nararating ako, na hindi sayang ‘yung pinili kong choice kasi ang gusto kong mangyari sa buhay ko is kukimita ako sa bagay na masaya ako.”

Hangad niya rin na magbago ang pagtingin ng lipunan sa mga gamer na nangangarap maging pro player, lalo na sa mga katulad niyang babae.

“Gusto kong mawala na ‘yung stigma na tulad ng naranasan ko na kapag naglalaro ka ng games wala kang future, na magiging parang wala kang mararating sa buhay. Gusto ko mawala sa society ‘yung ganun. Gusto ko isa ako sa mga magsisimula nun, isa ako sa magpapa-realize sa mga tao na hindi ganun, especially sa aming mga babae.”

Credit: SIBOL

Inspirasyon naman ni baron laner Rose Ann Marie “Hell Girl” Robles ang kanyang napaka-supportive na lola, na tila binigyan siya ng hamon na patunayang tama ang tinahak niyang landas ng gaming at esports.

“Sobrang love ko po talaga ‘yung game. May times pa na nagka-cutting ako noon tapos nag-drop ako pero bumalik naman ako sa pag-aaral. Noong nag-drop ako syempre nagalit sa’kin ‘yung lola ko. Tapos dinala niya ko sa mall at sinabihan niya ko na, ‘O sige ‘yan ang pinili mo, dapat may mapatunayan ka sa’kin.’ So ayun po ‘yung motivation ko,” saad ng 21-year-old player mula sa Muntinlupa.

Credit: SIBOL

Mukhang simple lang pero malalim ang hugot ng jungler ng Sibol Wild Rift girls na si Angel Danica “Angelailaila” Lozada sa pagsabak niya sa SEA Games.

“‘Yung rason kung bakit ako nagpapatuloy at rason kung bakit gusto kong manalo kasi ayoko talaga ma-disappoint ‘yung teammates ko. Palagi kong pinapaalala sa sarili ko na, ‘Wag kang patanga-tanga kasi baka ma-disappoint sila,'” ani ng 20-year-old pro na tubong Iloilo City.

Para naman kina rookie jungler April Mae “Aeae” Valiente, ADC Charize Joyed “Yugen” Doble at captain-midlaner Christine Ray “Rayray” Natividad, malaking bahagi ang kaakibat na pabuyang pera sa kanilang pagnanais na masungkit ang gintong medalya.

Credit: SIBOL

“Hinihintay ko lang talaga ‘yung pwede naming makuha sa SEA Games tapos magpapakabit na kami ng kuryente,” sabi ni Aeae, na nag-tryout noon sa GrindSky Eris nang walang kuryente sa kanilang bahay at lumang cellphone ang gamit.

Gusto rin umano ng 18-year-old player na tubong San Mateo, Rizal na makakuha ng karagdagang kita bukod sa pagiging pro player upang makabili ng bahay para sa kanyang pamilya at motor para sa kanyang tatay na noon ay tutol sa pagpasok niya sa bootcamp ngunit kalauna’y naging supportive na rin.

Credit: SIBOL

Pahayag naman ni Yugen: “Akala po ng mga kamag-anak ko na laro-laro lang po ako kaya ipo-prove ko po na malakas talaga ako, na kumikita talaga ako at talagang may mapapatunayan ako dito. Gusto ko ipakita sa kanila na ‘yung ginagawa ko ngayon connected siya sa future ko.”

Nais umano ng 18-year-old Manileño na ilagay sa savings at i-invest sa negosyo ang parte ng posibleng makuha niya sa SEA Games.

Credit: SIBOL

Ipinaliwanag naman ng 19-year-old Bulakenya at kapitan ng Sibol Wild Rift girls na si Rayray, na dati nang kumikita sa streaming, kung bakit nais niya ring makakuha ng karagdagang pera na pwedeng magmula sa SEA Games.

“Kaya may part na money kasi nga lumaki ako na parang ‘pag gusto ko ng isang bagay, bawal dahil masho-short, kulang ang pera. Kaya syempre nung kumikita na ‘ko, ang fulfilling pala sa feeling na nabibili mo ‘yung gusto at kailangan mo tapos nakakapagbigay ka pa sa family mo.”


Sasabak sa medal rounds ang Sibol Wild Rift girls

Sibol Wild Rift girls
Credit: SIBOL

Matapos ma-sweep ang group stage, susubukan ng Sibol Wild Rift girls na paluhurin muli ang Thailand sa best-of-five semifinals. Kung mananalo ay aabante sila sa gold medal match na best-of-five din.

Sa kabilang semifinal pairing naman ay magtatapat ang Vietnam at Singapore. Ang mga matatalo sa semis ay magtutunggali para sa bronze medal.

Ang Final Stage o playoffs ng SEA Games Wild Rift women’s division ay magsisimula ngayong Miyerkules sa ganap na ika-12 ng tanghali.

Antabayanan ang mga balita at istorya patungkol sa Sibol Wild Rift girls at iba pang dibisyon ng national esports team sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.