Kilala si Eleazar “Azar” Salle ng Team Secret bilang isa sa mga matitikas na baron lane player sa League of Legends: Wild Rift professional scene hindi lang sa Pilipinas kundi sa Southeast Asia.
Kaya ganun na lamang ang laki ng kumpyansa ni Azar sa liga at mga torneong sinasalihan ng Secret.
Sa panayam kasama ang ONE Esports Philippines, sinabi ni Azar na wala siyang kinatatakutan na kalaban maliban sa sarili niya.
“As of now, feeling ko wala eh (ayaw makatapat na player). Kalaban ko lang is ‘yung sarili ko. Pinapahirapan ko lang ‘yung sarili ko sa pagiging greedy ko minsan,” sabi ni Azar.
“Can I say everyone (Pwede bang sabihin kong lahat) na lang? Lahat ng nakakatapat ko ganun. Kalaban ko lang talaga sarili ko,” dagdag pa niya nang tanungin kung sino ang tingin niyang kayang-kaya niyang bugbugin sa baron lane.
Popular sa paggamit niya kay Akali at Gragas maging kay Darius at Fiora, pinunto rin ni Azar na hindi siya natitinag kahit sinong champion pa ang kaharap niya sa lane.
Dati ay tinitingala ni Azar ang pinakasikat na League of Legends pro na si Lee “Faker” Sang-hyeok pero ngayon ay mas gusto niya na lang pagtuunan ang kanyang sarili.
“Sa una, si Faker talaga since siya yung pinakasikat nun eh. Simula pa ng early days ng LoL, siya yung nilu-look-up ko dahil nga sa mga flashy plays niya. Baka dun ko rin nakuha ‘yung pagka-greedy ko, ‘yung hunger ko sa kill. Pero sa ngayon naman, wala na akong ina-idolize.”
“‘Di na ako nag-a-idolize ngayon dahil nasa pro league na ako. Darating ‘yung point na itong ina-idol mo, makakalaban mo. Ano na lang iisipin mo? Kasi ayoko isipin na mape-pressure ako dahil idol ko ‘to. Gusto ko ina-idolize na lang ‘yung sarili ko para mas mag-improve ako.”
Azar nais manalo sa Wild Rift Worlds 2021
Inaasam ni Azar na masungkit ang kampeonato sa kauna-unahang League of Legends: Wild Rift World Championship sa dulo ng taon.
Pabirong sinabi ng baron laner na pagkuha ng passport ang magiging hamon sa pagkamit niya ng tropeo sa Wild Rift Worlds 2021. Ngunit nang maging seryoso, sinabi ni Azar na sarili niya lang din ang magiging hadlang sa pangarap niyang iyon.
“Siguro ang magiging hadlang ko lang is kung mapabayaan ko ‘yung status ko as a pro player or ‘yung lakas ko na ayoko maging comfortable na maging ganito lang ako kalakas,” ani niya.
“Dumating na rin ‘yung times na ganun eh, sobrang iniisip ko na ang lakas ko, to the point na ang konti na lang ng time na nagpa-practice ako tapos lumalabas nga ‘yung results na ganito, humihina nga ako so there’s that pero hindi ko hahayaan na mangyari ulit ‘yon.”
Azar at Team Secret sasabak sa SEA Icon Series PH Fall Split playoffs
Kakailanganin nila Azar at ng Team Secret na maging champion o runner-up sa Southeast Asia Icon Series Philippines Fall Split upang makausad sa SEA Championship kung saan paglalabanan ang dalawang tiket patungong Wild Rift Worlds 2021.
Matapos pagharian ang Group B na may 5-1 kartada, makakaharap ng Secret ang Lakan Esports sa unang round ng PH Fall Split double-elimination playoffs sa Biyernes.
Magbabanggaan naman ang Smart Omega at Rex Regum Qeon (RRQ PH), Bren Esports at Fennel Adversity maging ang DR Esports at United City FC Esports sa iba pang upper bracket quarterfinal match.
Mapapanood ang playoffs sa opisyal na Facebook, YouTube at Twitch channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL).