Naging trending sa social media ang pagtambling ni Angel Danica “Angelailaila” Lozada ng SIBOL Wild Rift Women’s Team sa kanilang player entrance sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam.

Marami ang nagulat at naaliw sa kakulitan na ipinamalas ni Angelailaila bago magsimula ang kanilang match laban sa Singapore noong group stage sa 31st Southeast Asian Games, kung saan bigla siyang nag-cartwheel habang rumarampa sa entablado.

Angelailaila ikinwento ang dahilan ng pagtambling sa 31st SEA Games

Angelailaila Sibol 31st SEA Games
Credit: Angelailaila

Sa kanilang press conference, inilahad ng GrindSky Eris jungler at SIBOL representative ang dahilan na nag-udyok sa kanya para gawin ang viral niyang pagrampa.

“Madalas kasi, sumusunod talaga ko sa ADC namin,” kwento ng jungler habang tinuturo ang kanilang ADC na si Charize Joyed “Yugen” Doble.

“Pag sinabi niya, for example sa draft, ‘ganito gamitin mo’. Kahit ayoko, susunod ako. Kasi siya boss ko eh.”

Angelailaila Yugen Aeae GrindSky press conference
Credit: GrindSky

Sa pagpapatuloy ng kanyang kwento, ibinahagi ng jungler ang pambubuyo na ginawa sa kanya ni Yugen bago sila umakyat ng stage para sa kanilang introduction. Sa kanilang pila ay sinabihan daw siya ng kanilang ADC na, “Uy Gel, tambling ka kaya?” Na sinagot naman ni Angelailaila, “Hindi, ayoko. Nakakahiya.”

Pero hindi tinanggap ni Yugen ang sagot na ‘to, kung kaya’t pabiro itong nagbanta sa jungler. “Sige. Hindi kita papansinin.”

Sa takot na totohanin ng kanilang ADC ang banta sa kanya ay sumunod na lang ang SIBOL jungler. Habang naglalakad papunta sa kaniyang pwesto sa entablado ay nagtambling ito na nasaksihan at ikinatuwa naman ng marami.



Bukod dito ay naging trending din ang video kung saan pinasan ni Angelailaila si Yugen upang tulungan ang ADC na makababa ng stage. Ipinaliwanag naman ng SIBOL ADC ang dahilan kung bakit siya sumakay sa likod ng teammate. “May sprained ankle ako kaya ako sumakay kay Ate Angel,” sabi ni Yugen.

Ang GrindSky Eris, na naging kinatawan ng SIBOL Wild Rift Women’s Team para sa 31st SEA Games, ang kauna-unahang all-female team na nakasungkit ng gintong medalya para sa Pilipinas sa esports division.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.