Pinatumba ng Rex Regum Qeon Philippines (RRQ PH) ang Sengoku Gaming ng Japan, 2-0, para sa matagumpay na panimula sa Group B ng Wild Rift Icons Global Championship 2022 nitong Martes ng gabi sa Suntec Singapore Convention and Exhibition Centre.
Bumida ang madulas na Zed ni midlaner Sean Khierby “Helios” Palisoc sa Game 1 habang nagpasiklab naman si ADC Marc Andrew “Marky” Ilagan sa kanyang Varus sa Game 2.
Split push ni Helios, quadra kill ni Marky tampok sa 2-0 victory ng RRQ PH kontra Sengoku Gaming
Naging susi ang matyagang pag-i-split push at pag-pressure ng Zed ni Helios upang mailista ng RRQ PH ang first blood sa serye sa loob ng 20 minuto at 22 segundo.
Maagang lumamang ang RRQ dahil nakuha nila jungler Charles “Chazz” Esguerra (Olaf) at baron laner Janold “Devil J” Gonzales (Camille) ang Rift Herald at binasag ang dalawang turrets sa top lane ngunit nakabangon ang Sengoku Gaming dulot ng pickoffs kila Marky (Ziggs) at support Eric “Exosen” Gubatan (Sett).
Pero tumambay si Helios sa top at hindi tinantanan ang pagtulak dito hanggang sa tuluyang mabasag ang inhibitor sa 12-minute mark. Dahil dito, nahirapan ang SG na mag-commit sa mga clash at mag-contest sa objectives na siya namang sinamantala ng RRQ.
Pagsapit ng Game 2, dinomina ng RRQ PH ang Sengoku sa likod ng asintadong Varus ni Marky at tinapos ang laro na may 17-6 kill score sa loob lamang ng 15 minuto.
Habang nakapokus si Chazz (Kha’Zix) sa pagkuha ng Infernal Dragon sa 13-minute mark, tinangke nila Exosen (Galio), Helios (Singed) at Devil J (Riven) ang damage mula sa SG kaya libre silang pinagpapana ni Marky na nakapukol ng quadra kill para tuldukan ang isang ace.
Agad na rumekta ang RRQ sa kabilang pit at kinuha ang Baron Nashor. Matapos ang tech pause, napitas ng SG si Chazz sa mid pero isang malupit na Chain of Corruption at Piercing Arrow mula kay Marky ang sumira sa comeback attempt nila.
Naka-triple kill si Marky at muling inubos ng mga Pinoy ang mga Hapon sa huling team fight para ipako ang kanilang unang panalo sa group stage ng world championship ng Wild Rift ngayong taon.
Sunod na haharapin ng RRQ PH ang J Team mula sa Wild Rift League (WRL) ng China sa Huwebes. Nakataya sa laban na ito ang unang ticket ng kanilang grupo papunta sa knockout stage.
Napanatili rin ng pambato ng Wild Rift Champions SEA (WCS) ang kanilang undefeated record kontra sa mga koponan mula sa Wild Rift Cup Japan (WCJ). Dalawang beses blinangko ng RRQ sa iskor na 2-0 ang Unsold Stuff Gaming (USG) noong play-ins.
Para sa mga balita patungkol sa Wild Rift, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.