Bigo ang FENNEL Adversity na makalampas sa Play-Ins ng Wild Rift SEA Championship 2021 matapos silang ilaglag ng Buriram United.
Isang hakbang na lang ang namagitan sa kinatawan ng Pilipinas at ang pagkakataong maka-qualify sa Group Stage ng naturang turneo. Umabot na sila sa grand final ng Bracket B ngunit na-reverse sweep sila ng Flash Wolves.
Sumalalay ang kanilang kapalaran sa Last Chance Qualifier ngunit kinapos ang mga ito matapos pangibabawan ng kinatawan ng Thailand ang best-of-five serye sa score na 3-1.
FENNEL Adversity, kinapos kontra Buriram United sa Last Chance Qualifier ng Wild Rift SEA Championship 2021
Gaya ng FENNEL Adversity, second-placer ng kanilang pangkat ang Buriram United. Tatlo sanang koponan ang maghaharap-harap sa Last Chance Qualifier ngunit bigong makumpleto ng QWQ ang kanilang roster, dahilan para magharap na lang ang dalawang koponan.
Buriram United ang nagdikta ng takbo ng serye matapos ang kanilang halos perpektong performance sa unang mapa. Tinapos nila ang 18 minutong bakbakan na may 11-1 scoreline.
Pinatunayan din ni Nutchanon “Archeny” Yailuang sa laro na dapat respetuhin ang kanyang Ziggs, dahil bukod pagtala ng apat na kills at apat na assists nang hindi namamatay, hinirang din siya na MVP ng laban.
Hindi naman basta-basta sumuko ang mga Pinoy. Nagpakitang-gilas din ang Lee Sin ni Domino “Domeng” Magbanua sa ikalawang mapa ng bakbakan matapos magpamalas ng malulupit na Dragon’s Rage upang maselyo ang panalo ng kanilang koponan.
Kinilala din ang Jungler ng FENNEL Adversity bilang MVP ng laro matapos magtala ng walong kills at apat na assists nang hindi namamatay.
Sa kabila ng malupit na performance na ito, nagawa pa rin ng Buriram United na agawin ang momentum sa FENNEL Adversity. Sa huling dalawang mapa ng serye, hindi na nagpapigil ang Dragon Lane ng mga Thai na si Peerapong “Kinemon” Raksarat.
Kinilalang MVP ang kanyang Kai’Sa noong ikatlong mapa matapos magtala ng pitong kills at walong assists nang hindi namamatay. Sa huling mapa ng serye, nakipagtulungan siya sa Ahri ni Archeny para tuluyang talunin ang FENNEL Adversity at maka-abante sa Group Stage ng Wild Rift SEA Championship 2021.
Samantala, mag-uuwi pa rin ng USD$6,000 ang FENNEL Adversity na tinapos ang kanilang kampanya sa turneo sa ika-13 puwesto.
Team Secret babansehan ang FENNEL Adversity sa Group Stage ng Wild Rift SEA Championship 2021
Bagamat nalaglag na ang isa sa mga pambato ng bansa, hindi pa dito nagtatapos ang paglalakbay ng Pilipinas sa turneo. Sasabak din kasi ang Team Secret, na direktang na-seed sa group stage matapos hirangin bilang kampeon ng SEA Icon Series PH – Fall Season Playoffs.
Susubukan nina Eleazar “Azar” Salle at kanyang koponan na pangibabawan ang Group A kontra Buriram United, MBR Esports, ONE Team, SVP, at Team Flash.
Nakatakdang ganapin ang Group Stage ng Wild Rift SEA Championship 2021 simula ika-23 hanggang ika-26 ng Setyembre. Masusubaybayan ang opisyal na Filipino broadcast ng bakbakan sa LoL Wild Rift Facebook page at PPGL YouTube channel.