Matindi ang pagbawi ng Team Secret sa Group Stage Day 2 ng Wild Rift Horizon Cup 2021 matapos nitong pulbusin ang eBRO Gaming ng South America nitong Linggo ng gabi, ika-14 ng Nobyembre.
Galing sa masakit na 1-2 pagkatalo sa kamay ng Thunder Talk Gaming ng China sa unang araw ng Horizon Cup, pinagbuntunan ng galit ng Secret ang eBRO at kinuha ang 2-0 sweep sa ikatlong serye ng Day 2 tampok ang malahalimaw na Katarina ni midlaner Heri “Tatsurii” Garcia.
Ito ang unang panalo mula sa mga pambato ng Southeast Asia sa kauna-unahang global tournament ng League of Legends: Wild Rift na ginaganap offline sa Singapore at may nakatayang US$500,000 (bandang PHP25 milyon) na kabuuang premyo.
Secret nilista ang first blood sa serye
Agad na nag-bounce back ang Team Secret mula sa kanilang unang talo sa Horizon Cup sa pamamagitan ng dominanteng panalo sa Game 1.
Medyo mahigpit ang labanan sa simula pero umaglawa ang koponan ng Pilipinas sa bandang nine-minute mark matapos makaselyo ng 3-for-none exchange salamat sa pulidong counter-initiation mula kay Caster “Chewy” Dela Cruz sa Varus gamit ang Chain of Corruption at walang takot na pag-dive ni kapitan James “Hamez” Santos sa Gragas.
Nakapitas ng isa si Eleazar “Azar” Salle sa Fiora at naka-double kill si Tatsurii sa Orianna habang na-secure naman ni Robert “Trebor” Mansilungan sa Jax ang Mountain Dragon. Sunod na binasag ng TS ang mid second tier at inhibitor turret ng eBRO kasama ang Rift Herald.
‘Di na bumitaw pa ang Secret sa kanilang mainit na momentum at matapos kuhain ang Baron Nashor, pinuksa nila ang tatlo sa eBRO para ipako ang 15-4 panalo sa loob ng 14 minuto.
Katarina ni Tatsurii bumida sa series clincher
Kilalang No. 1 sa Southeast Asia server, maagang nakakuha ng triple kill ang Katarina ni Tatsurii sa Game 2.
Mabilis niya ring sinundan ito ng isa pang triple kill sa four-minute mark pa lang bilang parusa sa pagnakaw ng eBRO sa Infernal Dragon.
Pinangunahan ng matinik na Katarina ni Tatsurii ang lopsided 23-4 victory ng Secret sa loob lamang ng halos 15 minuto. Tumikada siya ng 11 kills at three assists kontra sa dalawang deaths lamang.
Dahil sa mabilis na sweep, umangat sa No. 3 sa Group B ang Team Secret tangan ang kanilang 1-1 series win-loss record habang nanatili sa ilalim ang eBRO Gaming (0-2). Ang top three lang sa bawat five-team group ang aabante sa playoffs.
Sunod na haharapin ng Secret ang Team Queso (1-0) ng Europe sa Lunes, 7:30 ng gabi. Susubukan ng kasalukuyang hari ng Wild Rift sa Pinas na iselyo ang kanilang pwesto sa knockout round.
Subaybayan ang mga laban sa opisyal na Filipino broadcast ng Wild Rift Horizon Cup 2021 sa Facebook page at YouTube channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL).