Isang malaking hamon ang naghihintay para sa RRQ PH sa pagsisimula ng single elimination knockout stage ng Wild Rift Icons Global Championship 2022 sa Biyernes, unang araw ng Hulyo.
Makakaharap kasi nila ang FunPlus Phoenix, ang kasalukuyang hari ng Wild Rift League (WRL) ng China na kinikilalang pinakamalakas na rehiyon pagdating sa mobile version ng sikat na MOBA title ng Riot Games na League of Legends.
Hindi pa natatalo sa isang serye ang kahit sino sa apat na pambato ng WRL, na pare-parehong pasok sa playoffs ng kauna-unahang Wild Rift world championship.
RRQ PH sasalpukin FunPlus Phoenix sa Wild Rift Icons 2022 knockout stage
Nagsimula ang RRQ PH sa play-ins kung saan pumangalawa sila sa Chinese team na JDG Gaming sa kanilang grupo.
Pagpasok ng group stage, agad na nagpasiklab ang runner-up ng Wild Rift SEA Championship (WCS) nang walisin nila ang Sengoku Gaming ng Wild Rift Japan Cup (WCJ). Bumida sa seryeng ito ang Zed ni midlaner Sean “Helios” Palisoc at Varus ni ADC Marc Andrew “Marky” Ilagan, at kinaaliwan din ang pag-beatbox at pagkanta nila ng “Anghang” ng komedyanteng si Michael V., isang parody ng kantang “My Humps”.
Napadugo ng mga Pinoy ang isang kinatawan ng WRL na J Team sa pangunguna ng Lee Sin ni star jungler Charles “Chazz” Esguerra sa Game 2 pero sa huli ay nanaig pa rin ang mga Intsik at nangibabaw sa Group B.
Inulit naman ng RRQ PH ang malinis na pangwawalis sa Sengoku upang maselyo ang playoff spot at siguruhin ang Top 8 finish na may kaakibat na $80,000 o mahigit P4.4 milyon na premyo.
Bilang kampeon ng WRL 2022 Season 1, seeded na agad ang FunPlus Phoenix sa group stage kung saan perpekto ang kanilang naging takbo.
Una nilang dinomina ang WCS third-placer na Flash Wolves ng Taiwan bago paluhurin ang kampeon ng Wild Tour Brasil (WBR) na Omegha Esports sa Group C. Pinick nila ang Corki sa lahat ng apat na laro habang tatlong beses naman nilang kinuha ang Wukong.
Tinitignan ang FPX bilang pinakalamakas na title contender sa torneo dahil na rin sa pagdomina nila sa WRL kung saan tinalo nila ang JDG Gaming, 4-1, sa grand finals.
Nakatakdang ganapin ang salpukang RRQ PH at FunPlus Phoenix sa best-of-5 quarterfinals sa ganap na ika-9 ng gabi. Mapapanood ang laban sa opisyal na Twitch at YouTube channel ng Wild Rift Esports.
Magkakaroon din ng watch party ang Philippine Pro Gaming League (PPGL). Para sa mga detalye, magpunta sa link na ito.