Sa hindi inaasahang pangyayari, nilisan na ni GrindSky Eris captain-midlaner Christine Ray “Rayray” Natividad ang kanyan karera bilang professional player sa League of Legends: Wild Rift.
Ito ang inilahad ni Rayray sa kanyang Twitter account ilang linggo lang matapos mapanalunan ang gintong medalya kasama ang SIBOL Wild Rift women’s team sa 31st Southeast Asian Games na ginanap sa Hanoi, Vietnam.
Pormal na ring inanunsyo ng GrindSky ang pag-alis sa kanilang koponan ng 19-year-old standout mula sa Bulacan nitong Huwebes ng gabi, ika-9 ng Hunyo.
“We’d like to formally announce the departure of Rayray from GrindSky Eris. Thank you Rayray for creating many memorable moments from your visit in GrindSky Arena all the way to your victory at the 31st SEA Games,” pahayag ng organisasyon.
Ibinunyag ni Rayray ang dahilan ng kanyang pag-quit sa esports scene
Sa kanyang Twitter account, inilahad ni Rayray na umalis siya sa esports scene upang pagtuunan ang kanyang mental health at kanyang pag-aaral patungo sa pangarap na maging isang certified public accountant (CPA).
Nilinaw niya rin na buo ang suporta ng kanyang mga kakampi sa GrindSky maging ng kanyang pamilya sa naging desisyon niya.
Bagamat ititigil na niya ang paglalaro bilang isang pro player, ipagpapatuloy umano niya ang pag-i-stream.
Maraming nakamit si Rayray sa kanyang karera sa Wild Rift competitive scene. Siya ang bumuo sa Nexplay Tempest na sumunggab ng dalawang kampeonato sa FSL Open noong nakaraang taon.
Pagkalipat sa GrindSky Eris, dinomina naman nila ang SGL All Females Amateur Rift Winter, SEA Esports Championship at SIBOL National Team Selection. At bago sumabak sa SEA Games kasama ang SIBOL WR women’s squad, pumitas muna sila ng isa pang tropeo sa FSL Open.
Para sa mga istorya patungkol sa PH esports, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.