Napadugo nila star jungler Charles “Chazz” Esguera at RRQ PH ang J Team ngunit sa dulo ay kinapos ang mga Pinoy laban sa mga Instik sa iskor na 1-2 kanilang Group B winners’ match sa Wild Rift Icons Global Championship 2022.

Nagpakitang-gilas si Chazz sa kanyang Lee Sin sa Game 2 upang maipwersa ng pambato ng Wild Rift SEA Champions (WCS) ang decider ngunit nag-step up si dragon laner Luo “Berry” Junyao gamit ang Orianna para sa koponan ng powerhouse Wild Rift League (WRL) sa Game 3.

Sa kabila ng pagkatalo, may isa pang tsansa ang RRQ PH na makapasok sa knockout stage ng Wild Rift world championship ngayong taon dahil nawalis nila ang Sengoku Gaming ng Japan sa kanilang opening match.


Chazz nagpasiklab pero natalo ang RRQ PH laban sa J Team, 1-2

Huddle nila Chazz at RRQ PH
Credit: Riot Games

Nakapalag ang RRQ PH sa early game ng unang laban matapos nilang kuhain ang unang Rift Herald at basagin ang top turret ngunit mahusay ang J Team sa pag-trade ng objectives at mas matalas ang kanialng mechanics pagdating sa mga team fight.

Sinubukan ni Chazz sa kanyang Camille na isalba ang koponan mula sa mahigit 10K gold at 5-15 kill score deficit sa pamamagitan ng isang malupit na Baron steal sa 16-minute mark.



Subalit masyado nang liyamado ang J Team at sinupalpal ang tangka ng RRQ na agawin ang Elder Ocean Dragon nang wala si Chazz para ipako ang 17-minute win.

Hindi basta-basta nagpadaig ang kasalukuyang hari ng PH Wild Rift at sinabayan ang aggression ng Chinese squad sa likod ng halimaw na Lee Sin ni Chazz, na maiging sinuportahan ng Yuumi ni Eric “Exosen” Gubatan.

Tumikada si Chazz ng 15/0/7 kill-death-assist habang si Exosen naman ay nagtala ng 22 assists at 1 kill nang walang death sa 26-6 panlalampaso sa loob ng 19 minuto.



Dikit ang bakbakan sa deciding Game 3 kung saan lamang pa ang RRQ PH sa kill score, 6-3, pero halos pantay lang ang gold mula early hanggang mid game. Ngunit isang clash lang malapit sa dragon pit sa 12-minute mark ang nagdikta ng resulta ng laro.

Bumitaw ng malaking Shockwave ultimate si Berry sa kanyang Orianna na humigop sa buhay nila Chazz (Jax), Marc Andrew “Marky” Ilagan (Lux) at Janold “Devil J” Gonzales (Camille) at inubos ng kanyang mga kakampi sa J Team ang mga miyembro ng RRQ.



Mula dito ay umariba na ang J Team patungo sa 17-minute panalo na nagselyo sa kanilang pwesto sa eight-team knockout stage.

Bumagsak naman ang RRQ PH sa Group B decider match sa Sabado, ika-25 ng Hunyo. Makakaharap nila dito ang mananalo sa losers’ match bukas tampok ang Sengoku at Team Queso ng Europe, Middle East & Africa (EMEA) region.


Para sa mga balita patungkol sa Wild Rift, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.