Sa wakas ay nakaganti na rin ang Team Secret laban sa SBTC Esports matapos mabilis na walisin ng pambato ng Pilipinas ang karibal nito mula sa Vietnam para makausad sa semifinals ng Wild Rift Horizon Cup 2021.

Pinakita ng Secret ang kanilang tunay na anyo pagdating sa LAN event at kinuha ang matamis na 3-0 sweep kontra SBTC sa kanilang quarterfinal match sa kauna-unahang global tournament ng League of Legends: Wild Rift.

Ito ang unang panalo ng WR kings ng Pinas laban sa Vietnamese team na apat na beses silang tinalo sa mga online tournament kabilang na ang SEA Championship.

Credit: Ban “ChrisnX” Chee

Team Secret maagang nag-init sa pagsisimula ng knockout stage

Paglalahad ni jungler Robert “Trebor” Mansilungan sa isang panayam sa group stage, gigil na gigil makabawi ang Team Secret sa SBTC kaya naman agad nila itong ipinakita sa Game 1 ng best-of-five series.

Bagamat medyo naging mahigpit ang laban, tinutukan ng Secret ang pag-secure sa mga Dragon na nagbibigay ng permanent buffs. Sa bandang 13-minute mark, sinimulan ni Eleazar “Azar” Salle sa Camille gamit ang Hextech Ultimatum ang malaking team fight na nagresulta sa 3-for-2 exchange at pangatlong Drake.

Isang swabeng Aqua Prison initiation mula kay kapitan James “Hamez” Santos ang tumulong sa TS para makapitas ng tatlo at masiguro ang Baron Nashor bago rumekta sa pagbasag ng Nexus ng kalaban.

Pinagpatuloy nila Hamez at kanyang mga kakampi ang kanilang nagbabagang momentum pagpasok ng Game 2 kung saan pinakita nila ang kanilang mabangis na micro skills.

Gamit ang double assassin composition sa pangunguna ng Akali ni Azar at Zed ni Heri “Tatsurii” Garcia, isa-isang pinitas ng Secret ang SBTC sa iba’t-ibang parte ng mapa para makuha ang isang unofficial ace.

‘Di kalaunan ay na-ace ulit ng mga Pinoy ang mga Vietnamese sa isang clash na sinimulan ng Quickness plus Grand Entrance combo mula sa Rakan ni Hamez at tinapos ng signature Varus ni Caster “Chewy” Dela Cruz.


Darius ni Azar nagliyab, Team Secret sinipa ang SBTC sa Horizon Cup

Darius ni Azar nagliyab, Team Secret sinipa ang SBTC sa Horizon Cup
Credit: Team Secret, Riot Games

Naaamoy na ng Team Secret ang sweep sa Game 3 kaya naman hinatid ni Azar sa kanyang Darius ang killing blow kontra sa SBTC.

Isa-isang dinakdakan at pinugutan ni Azar gamit ang kanyang Noxian Guillotine ultimate ang mga miyembro ng SBTC para mailista ang maagang quadra kill at ace para sa Secret.

‘Di na bumitaw ang PH team sa kanilang malaking kalamangan at tuluyang pinako ang dominanteng panalo sa loob lamang ng 12 minuto.

Dahil sa kanyang malupit na performance sa quarterfinals, tinanghal na Player of the Series ang star baron laner ng Secret.

Credit: Riot Games
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Ipagpapatuloy ng Team Secret ang kanilang misyon na pagharian ang Horizon Cup kontra sa Group A top seed na Da Kun Gaming ng China sa semifinals na idaraos sa Sabado, ika-20 ng Nobyembre sa ganap na ika-anim ng gabi.

Samantala, nagtapos ang SBTC Esports sa 5th-6th place at mag-uuwi ng US$40,000 (higit PHP2 milyon) na premyo.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng Horizon Cup sa Facebook, YouTube at Twitch channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL).