Nagtapos na ang kampanya ng RRQ PH sa Wild Rift Icons Global Championship 2022 matapos silang talunin ng pinakamabigat na title contender sa torneo na FunPlus Phoenix ng China sa unang round ng knockout stage nitong Biyernes ng gabi sa Suntec Singapore Convention and Exhibition Centre.
Sa kabila ng pagkatalo, lumapag ang pambato ng Pilipinas sa 5th-8th place sa unang world tournament ng mobile MOBA version ng League of Legends na nagtampok ng 24 koponan mula sa walong Wild Rift regions.
Mag-uuwi rin sila kapitan Eric “Exosen” Gubatan at RRQ PH ng $80,000 o hindi bababa sa P4.4 milyon na premyo.
Winalis ang RRQ PH ng FPX sa iskor na 3-0
Sa simula ng serye, nakapalag naman ang runner-up ng Wild Rift Champions SEA (WCS) laban sa hari ng Wild Rift League (WRL) na kinikilalang pinakamalakas na rehiyon sa mundo. Ngunit nagpakitang-gilas ang kanilang jungler na si Yu “0711” Hong gamit ang Lee Sin.
Kumana ng triple kill si 0711 upang pangunahan ang 4-for-0 exchange pabor sa FunPlus Phoenix sa isang malaking team fight para sa Ocean Dragon sa 16-minute mark.
Mula dito ay umarangkada na sila 0711 at kanyang mga tropa patungo sa 14-7 panalo sa sumunod na dalawang minuto.
Oras naman ni baron laner Zhang “Fadou” Shijun na magpasiklab sa Game 2 gamit ang kanyang Zed. Dinikta niya ang tempo ng FPX na maagang nakaalagwa sa pamamagitan ng kanyang solo kills.
Nagtala si Fadou ng 7/2/2 kill-death-assist habang maganda rin ang ipinakita ni support Yue “Ley” Yi sa Gragas (2/0/15) sa 20-8 dominasyon sa loob ng 17 minuto.
Bagamat dehado na’t isang talo na lang ay tanggal na sila, naging agresibo ang RRQ PH pagpasok ng Game 3. Dahil sa maagang gank nila Charles “Chazz” Esguerra (Kha’Zix) at Exosen (Thresh) sa top lane, nakuha nila ang unang tore sa 4-minute mark pa lamang.
Ilang clash din ang pinangibabawan ng RRQ PH at nakapag-ipon pa nga sila ng halos 5K gold lead. Ngunit hindi nila na-punish ang Jax ni 0711 kaya naman pagdating ng late game ay hindi na ito mapigilan lalo na’t sinuportahan din ito ng Yuumi ni Ley.
Isang 3-for-2 trade ang naipanalo ng FPX para makuha ang Elder Dragon at tuluyang nilista ang 17-12 comeback matapos ang 24 minutong dikit na bakbakan.
Umabante ang FunPlus Phoenix sa best-of-5 semifinals kung saan haharapin nila ang kapwa WRL squad na Nova Esports, na pinadapa naman ang KT Rolster ng Wild Rift Champions Korea (WCK) sa iskor na 3-1.
May natitira pang dalawang kinatawan ang WCS sa WR Icons 2022, ang kampeon na Team Flash at third-placer na Flash Wolves. Kakalabanin nila ang JDG Gaming at J Team ng WRL sa ikalawang bahagi ng quarterfinals bukas.
Para sa mga balita patungkol sa Wild Rift, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.