Walang kaduda-duda, ang Sibol Wild Rift women’s team talaga ang pinakamalakas ngayon sa Southeast Asia.

Pinitas ng pambato ng Pilipinas na binubuo ng GrindSky Eris ang kauna-unahang gintong medalya sa League of Legends: Wild Rift women’s division ng Southeast Asian Games matapos nilang paluhurin ang Singapore sa pamamagitan ng matamis na 3-0 sweep sa grand finals.

Ito rin ang unang ginto na nakamit ng Sibol national esports team sa tumatakbong 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam.


Pinangibabawan ng Sibol Wild Rift women’s team ang gold medal match kontra Singapore

Sibol Wild Rift women's team kinuha ang gold medal sa 31st SEA Games
Credit: ONE Esports

Nilista ng Sibol Wild Rift women’s team ang first blood sa makasaysayang gold medal match sa panguguna ng Riven ni baron laner Rose Ann Marie “Hell” Girl Robles. Tumikada si Robles ng triple kill na sumelyo sa ace at tuluyang 16-9 victory sa loob ng 14 minuto.

Nagtala si Robles ng 5 kills at 7 assists kontra 1 death at binitaw ang pinakamalaking damage na umabot sa 12.8K habang sila jungler April Mae “Aeae” Valiente sa Olaf (3/2/8 KDA) at support Giana Joanne “Jeeya” Llanes sa Karma (1/3/12) naman ang trumabaho sa objectives.

Mas dikdikan naman ang naging bakbakan sa Game 2 pero nagawa pa ring manaig ng Sibol WR girls salamat sa malaking Moonfall ultimate na binitawan ng Diana ni captain-midlaner Christine Ray “Rayray” Natividad at makating damage mula sa Corki ni ADC Charize Joyed “Yugen” Doble sa isang crucial clash sa 16th minute na nagresulta sa 3-0 exchange.

Kinuha muna nila Rayray at kanyang mga kakampi ang Baron Nashor at pangatlong Dragon (Mountain) bago tuluyang iselyo ang 17-8 panalo at championship point sa loob ng 18 minuto.

Dehado ang Sibol Wild Rift women’s team sa early hanggang mid game sa Game 3 ngunit nabaligtad ang sitwasyon at naagaw nila ang momentum nang makapukol ng quadra kill ang Corki ni Doble sa 12th minute.

Sinubukan pang pahabain ng Singapore ang serye sa pag-agaw ni Shalalala (Akali) ng Baron Nashor, pero nagpasiklab si jungler Angel Danica “Angelailaila” Lozada sa kanyang Xin Zhao at kumana ng triple kill para maitala ng mga Pinay ang 27-21 win sa loob ng halos 23 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Isang game lang ang hindi naipanalo ng Sibol Wild Rift women’s team sa kanilang buong kampanya sa 31st SEA Games. Winalis nila ang single round-robin group stage laban sa apat na koponan bago patumbahin ang Thailand, 3-1, sa semifinals.

Nakakuha naman ng silver medal ang Singapore, na pinatikim muna ang host Vietnam ng 3-0 sweep sa kanilang semifinal match kanina. Ibinulsa ng Thailand ang bronze medal matapos padapain ang Vietnam sa iskor na 3-1.


Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para masubaybayan ang mga kaganapan patungkol sa kampanya ng Sibol sa SEA Games.