Ibinahagi ng Riot Games kamakailan ang ilan sa mga simpleng exercise para matulungan ang mga gamers na mag-stretch ng mga daliri, kamay, at wrist.
Hindi maitatangging nakakangalay sa daliri at pulso ang mahabang oras ng paglalaro. Maaring maapektuhan ng mga tensyon na ito ang reaction time, at pressure points ng mga manlalaro, na posibleng magdulot rin ng injury.
Ayon sa Tweet ng official League of Legends: Wild Rift account, ang mga simpleng exercise na ito ay hango mula sa qigong at yoga. Nakatutulong ito upang ma-relax ang mga muscles na maaring nangalay habang naglalaro, o kahit habang nagtatrabaho.
Wrist exercises para sa mga gamers
Para mabanat ang wrist, pagdikitin ang dulo ng magkabilang mga daliri. Dahan-dahang paglapitin ang mga palad na parang nagdadasal.
Habang pinapanatili ang ganitong posisyon, ibaba ang parehong palad nang hindi gumagalaw ang siko hanggang maramdaman mong nababanat ang iyong wrist at braso.
Manatili sa ganitong posisyon sa loob ng 15 segundo, tsaka dahan-dahang bumitaw.
Maaari mo rin ito gawin nang pabaliktad. I-unat lang palabas ng iyong braso at ituro ang palad pababa. Gamitin ang kabilang kamay para marahang mabanat ang iyong wrist at braso.
Finger stretches para sa mga mobile gamers
Hindi na namin dapat pang banggitin ang kahalagahan ng mga daliri sa paglalaro. Para sa mga mobile gamers, ang hinlalaki ay sentro ng pressure para sa buong kamay.
Pagdikitin ang dulo ng hinlalaki, hinlalato, palasingsingan, at hinliliit sa dulo ng iyong hinlalaki, manatili sa bawat posisyon sa loob ng 20 segundo.
Siguraduhing naka-unat ang mga daliri na hindi nakadikit sa hinalalaki. Mas mahirap nga lang ito kumpara sa inaakala mo.
Stretches para sa lahat ng muscle group sa kamay
May tatlong paggalaw sa hand stretching exercise na ito para mga gamers:
- I-diretso ang iyong mga daliri, sa abot ng makakaya, at pagdikitin ang mga ito.
- I-unat ang mga ito. Mas banat, mas maganda.
- Itupi ang mga daliri para makagawa ng kamao.
Manatili sa bawat posisyon sa loob ng 20 segundo at ulitin nang 10 beses. Makakatulong itong mabanat ang lahat ng mga muscles sa pagitan ng iyong kamay.
Tendon gliding exercises para sa mga gamers
Ang tendon gliding at joint articulation ay magandang exercise para sa mga gamers dahil bukod sa napabubuti nito ang paggalaw ng mga tendon, nakatutulong din ito na maka-iwas sa mga injury sa kasukasuan.
Sa ilang kaso, maaari rin itong makatulong sa carpal tunnel. May apat na uri ng paggalaw sa daliri ang simpleng exercise na ito:
- Arrow: I-diretso ang iyong mga daliri pataas.
- Tabletop: I-unat ang daliri pahalang habang patayo naman ang iyong palad.
- Claw: Mula sa tabletop, itupi ang mga daliri paloob sa unang phalangeal joint.
- Fist: Itupi pa ang mga daliri para makagawa ng kamao.
Manatili sa bawat posisyon sa loob ng 20 segundo, habang marahang lumipat sa susunod. Ulitin nang 10 beses.