Pasok ang all-Filipino roster ng Team Secret sa Horizon Cup 2021, ang kauna-unahang global tournament ng Wild Rift, matapos nilang makatungtong sa grand final ng Wild Rift SEA Championship 2021.
Itinuloy ng pambato ng Pilipinas sa playoffs ang kanilang naunang pamamayagpag sa group stage ng nasabing regional tournament. Bagamat natisod ng SBTC Esports sa semifinals ng upper bracket, nagawa pa rin ng mga ito na makabangon mula sa lower bracket upang maselyo ang natitirang slot ng rehiyon para sa crowning event ng Wild Rift esports.
Paano nakapasok ang Team Secret sa Horizon Cup 2021
Sinimulan ng Team Secret ang kanilang kampanya sa playoffs ng Wild Rift SEA Championship 2021 sa upper bracket quarterfinals, bilang second seed ng kanilang grupo.
Ngunit matapos nga ang nasabing kabiguan nila kontra pambato ng Vietnam, napilitang mamalagi ang koponan sa lower bracket. Dito, nilaglag nila ang mga kinatawan ng Taiwan na Flash Wolves at ONE Team bago harapin sa lower bracket final ang Buriram United, ang top seed ng kanilang grupo at ang parehong team na lumaglag sa FENNEL Adversity.
Napatunayan ng Buriram United sa unang dalawang mapa ng best-of-five serye kung gaano sila kalaking balakid para sa mga Pinoy. Mabilis nilang natulak ang Team Secret sa match point, pero unti-unti namang nawala ang kanilang tikas sa mga susunod na laro.
Sinalba ng Pantheon ni Heri “Tatsurii” Garcia at Kai’Sa ni Caster “Chewy” Dela Cruz ang kanilang koponan sa ikatlong laro. Sa ika-apat, nagtala ng 100% kill participation ang Janna ni James “Hamez” Santos para matulak ang serye sa best-of-one.
Sa ikalima at huling mapa ng serye, 14 minuto na lang ang kinailangan ng Team Secret para tuluyang tibagin ang balakid na humaharang sa kanila at sa pagkakataong maibandera ang Pilipinas sa Horizon Cup 2021.
Isang malupit na Vault Breaker initiation mula sa Vi ni Robert “Trebor” Mansilungan ang tuluyang sumelyo sa reverse sweep kontra kinatawan ng Thailand.
TS.Hamez: “We’re really, really happy that we’re able to represent the Philippines”
Sa post-series interview, ipinabatid ni Hamez kung gaano sila kasaya sa kanilang panalo.
Inamin niya kung gaano sila kasaya ngayong nagbunga na ang kanilang paghihirap sa porma ng pagkakataong maging kinatawan ng Pilipinas sa isang prestihiyosong turneo.
Nakwento niya rin kung paano niya napanatili ang kompiyansa ng kanyang mga kakampi matapos ang mapait na panimulang isinalubong sa kanila ng mga kalaban.
“I just said, ‘guys hold yourselves together, we still got this, we’re still not out. Let’s take every game as [best-of-one], it’s not a [best-of-five], and we’re going to do it one game at a time,” paliwanag niya.
Hinirang din na MVP ng serye si “General” matapos magtala ng 90.2% participation, 555 gold-per-minute, 532 damage-per-minute, at 858 damage-taken-per-minute.
Sa kabila ng matamis na tagumpay, hindi pa raw handang magdiwang ang koponan dahil nag-aabang pa ang SBTC Esports sa grand final.
Nakatakda namang idaos ang huling bakbakan para sa kampeonato ng Wild Rift SEA Championship 2021 sa ikatlo ng Oktubre, sa ganap na ika-una ng hapon. Masusubaybayan ito sa opisyal na na Facebook page at YouTube channel ng PPGL.
BASAHIN: Secret.Azar sa kung sino ang kaya niyang balagbagin sa Baron lane: ‘Lahat ng nakakatapat ko’